BUKOD sa teroristang si Basit Usman, may limang pang international terrorists na pinaniniwalaang kinakanlong ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mindanao ang tinutugis ng awtoridad.
Sinabi nitong Biyernes ng hapon (Pebrero 27) ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Restituto Padilla, Jr. sa isang press conference sa Camp Aguinaldo, na batay sa nakuhang impormasyon ng AFP, kabuntot ni Usman ang mga hindi pinangalanang international terrorist sa Maguindanao.
“That is the information that we got. We are validating if they are still there,” ani Padilla.
Si Usman ay isa sa mga target ng “Oplan Exodus” na ikinasa ng Special Action Force (SAF) sa Maguindanao noong Enero 25.
Napatay sa nasabing operasyon ang isa pang target na si Abdul Zulkifli Abdhir alyas Marwan habang nakatakas naman si Usman.
Nauwi naman ang operasyon ng SAF sa engkwentro sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at BIFF sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 commando.
Una nang ibinunyag ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) na nasa Mindanao ang limang international terrorists na pinaghahanap din ng Malaysian authorities.
Ito’y sina Mahmud Bin Ahmad, dating lecturer ng University Malaya Islamic Studies at miyembro ng grupo sa Malaysia na sumusuporta sa ISIS; Mohd Najib Husen, isang dating negosyante; Muhammad Juraimee Awang Raimee, dating empleyado sa Selayang Municipal Council sa Malaysia; Jeknal Adil, isang laborer sa Malaysia; at Mohd Amin Baco.
Dagdag pa ni Padilla, nakakabakbakan ngayon ng militar sa Sulu ang ilang grupo ng Abu Sayyaf kasama ang tatlo sa limang terorista.
Sa impormasyong nakuha ng AFP, tumutulong ang mga terorista sa pagtuturo sa Abu Sayyaf Group at BIFF sa paggawa ng bomba.
Sa ulat na inilabas ng Malaysian media noong nakalipas na taon, nanghihikayat din ang lima ng mga bagong miyembro sa ISIS.
Nang tanungin si Padilla kaugnay ng koneksyon ng mga terorista sa ISIS, aminado itong wala pang natatanggap na impormasyon ang AFP ukol dito. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment