NAUBOS sa pag-atake ang limang sundalo habang anim naman ang sugatan nang ambusin ng mga miyembro ng New Peoples’ Army (NPA) sa Ilocos Sur nitong Huwebes ng gabi (Pebrero 26).
Hindi naman pinangalanan pa ang mga napatay at nasugatang mga sundalo alinsunod na rin sa standard operation procedure (SOP) na ipabatid muna sa kani-kanilang pamilya ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Inilatag na ng awtoridad ang hot-pursuit operation laban sa mga rebelde.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8:35 p.m. sa Bgy. Namitpit, Quirino, Ilocos Sur.
Bago ito, sakay sa kanilang military truck ang mga biktima at pabalik na sa Philippine Army headquarters nang bulagain ng mga rebelde.
Dahil sa bilis ng pangyayari, halos hindi nakaganti ng putok ang mga biktima na pawang miyembro ng 81st Infantry Division ng Phillippine Army.
Ang nasabing lugar ay sinasabing ambush site ng mga rebelde o madalas na pinangyayarihan ng pananambang.
Ang bayan ng Quirino ay isa sa mga upland municipality sa probinsiya na malapit sa Mountain Province na ang ilang lugar doon ay kontrolado ng NPA.
Pinoproseso na ngayon ang pagbaba sa mga bangkay ng mga sundalo habang nilalapatan na ng lunas ang mga sugatan sundalo. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment