DUMATING na sa bansa si French President François Hollande para sa dalawang araw na state visit.
Si Hollande ang unang pangulo ng France na bumisita sa Pilipinas mula nang maitatag ang diplomatic relations ng dalawang bansa noong 1947.
Sa report, lumapag ang eroplano ni Hollande sa Villamor Air Base, na agad namang sinalubong nina Vice-President Jejomar Binay, DFA Sec. Albert Del Rosario, DOF Sec. Cesar Purisima at MMDA Chair Francis Tolentino.
Kasama ni Hollande si French actress Marion Cotillard na kilalang environmental advocate.
Dumiretso ang grupo ni Hollande sa Luneta para sa wreath-laying ceremony, at binigyan pa ni Manila Mayor Joseph Estrada ang French President ng simbolikong susi.
Dumalo rin si Hollande sa isang business forum sa Makati at matapos mananghalian ay tumuloy naman sa National Museum para sa launching ng Forum on Climate Change Issues.
Layon ni Hollande na hingin ang suporta ng iba’t ibang bansa upang malabanan ang climate change.
Nag-courtesy call din si Hollande kay Pres. Benigno Aquino III at nag-imbita sa 21st meeting ng Conference of Parties (COP21) na gaganapin sa Paris sa Disyembre.
Kasama sa nasabing meeting with the President sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ramon Paje at Agriculture Sec. Proceso Alcala, kung saan tinalakay ang problema ng Pilipinas sa kalikasan at mga likas na yaman.
Bukod sa bilateral relationship ng France at Pilipinas, kabilang din sa pag-uusapan nina Hollande at PNoy ang regional at global issues tulad ng terorismo.
Ngayong Biyernes, dadayo naman ang French President sa Guiuan, Eastern Samar na isa sa mga pinakamatinding sinalanta ng Bagyong Yolanda. Makikipag-usap ang French President sa mga lokal na mangingisda sa bayan.
Samantala, bukod kay Binay ay sinalubong din si Hollande ng piket at rally ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).
Sa report, nagmartsa ang may 300 miyembro ng PMCJ sa Mendiola upang igiit ang mas magandang mga panukala ng Pilipinas upang makaagapay sa pagbabago ng klima.
Ayon kay PCMJ spokesperson Gerry Arances, kung pag-aaralang mabuti ng mga taga-payo ng pangulo ang kanilang mga panukala ay makikita nilang ang kulang lamang sa Pilipinas ay pagpapatupad o implementasyon ng batas. NENET VILLAFANIA / CRISMON HERAMIS
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment