Friday, February 27, 2015

MEDICAL MISSION MALAKI ANG NAITUTULONG

SA hirap ng buhay ngayon at sa mahal ng bayad sa mga doktor, ospital at mga gamot ay lubhang napakahalaga ng mga isinasagawang medical mission ng mga lingkod bayan at ilang pilantropo.


Minsan ay hindi sinasadyang naparaan kami ng kaibigan ko sa may Brgy. 733 Zone 8 sa ika-5 Distrito ng Lungsod ng Maynila at naraanan namin ang maraming tao kung saan ay may isinasagawang medical mission.


Medyo na-curious kami dahil sa rami ng tao na aming nakita kaya nagtanong-tanong kami at aming napag-alaman mula sa mga nakapilang residente na ang nasabing medical mission ay proyekto pala ni Manila 5th District Councilor Ali Atienza.


Tuwang-tuwa kaming pinagmamasdan ang nakapilang mga pasyente dahil masasaya sila. Sabi nga ng ilan sa aking mga nakausap, ‘pag wala raw available na gamot, kung minsan ay pera na lang ang naibibigay sa kanila para pambili ng gamot. At hindi biro ang halagang tatlong libo. Kaya ganun na lang ang pasasalamat ng ilang pasyente.


Ah, hindi na tayo magtaka riyan dahil sa Maynila kasi, matunog ang pangalan nitong si Ali na palaging kahalubilo ng mga Manilenyo, lalo na pagdating sa mga problema o karaingan ng bawat pamilya. Kasi kahit lantad ang katotohanang ginipit siya at hindi binigyan ng anomang komite at pondo sa City Council ay hindi ito naging hadlang para manahimik at maupo na lamang siya sa isang tabi.


Sa halip, maraming kaibigan si Ali na sumuporta pa sa kanya para makatulong sa adhikaing makatulong at makapaglingkod sa mga taga-Maynila.


Marahil sa mga naitanim na kabutihan at pakikisama ni Ali sa kanyang mga kaibigan kaya nakikiisa rin sila sa mga adhikain ng konsehal para sa Manilenyo.


Isa na rito si Cong. Irwin Tieng ng Buhay Party-list na sumusuporta sa projects ni Councilor Ali, lalo na sa mga pangangailangang medikal ng taga-Maynila.


Bulong nga sa atin ng ilang staff na naroon sa medical mission, simula raw nang maupo si Ali bilang Konsehal ng Maynila, nagsimula na rin ang kanyang mga medical mission sa iba’t ibang lugar sa kanyang distrito, at ang tuloy-tuloy na pagkakaloob ng mga gamot sa nangangailangan.


Marami nga ang nagbiro, nagmistula na raw botika ng bayan ang tanggapan ni Ali dahil lahat ng mga taga-Maynila, kahit hindi taga-5th District ay roon tumatakbo para sa mga reseta ng pasyente. Pero walang anomang reklamo o pagsusungit kay Ali at sa kanyang mga staff na makikita o maririnig, bagkus at taos pusong ngiti at pakikiramay sa mga may karamdaman sa pamamagitan ng panlunas na gamot.


Pero teka, nasaan nga ba ‘yung ipinagmamalaking ipinagawang mga bagong ospital daw para sa mga taga-Maynila? Marami raw ‘yun. E bakit ang takbuhan ng mga pasyente ay ang tanggapan ni Ali?


Sagot ng marami, mukhang pribado naman daw ‘yung mga ospital kasi pagpasok pa lamang doon ay kailangan agad ang deposito at lahat ng mga gamot ay babayaran din.


Hindi raw pangmasa ‘yung mga ospital. Kaya ‘pag emergency, sa Ospital ng Maynila, sa PGH o sa Jose Reyes pa rin ang takbo ng mga pasyente. Tsk tsk tsk.


Hay naku, kaya kayong mga taga-Maynila, huwag kayong padadala sa boladas ng mga politiko. Malapit na naman ang election at asahan na naman natin ang hanggang langit na pangako ng mga ‘yan. LILY’S FILES/LILY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



MEDICAL MISSION MALAKI ANG NAITUTULONG


No comments:

Post a Comment