Tuesday, February 24, 2015

PNOY WALANG PAKIRAMDAM?

MARAHIL ay dapat mag-ingat si President Aquino sa kanyang mga ikinikilos at sinasabi, at isipin din kung ito ba ay makasasakit ng damdamin ng kanyang kapwa.


Halimbawa na rito ang hindi niya pagsalubong sa mga labi ng 44 Special Action Force commandos sa Villamor Air Base at sa halip, ay dumalo sa inagurasyon ng isang planta ng Mitsubishi Motors sa Laguna.


Napakahalaga ng pagkakataong ito para makapagpakita siya ng pagpapahalaga at pakikiramay sa mga kaanak ng mga bayaning pulis na nasawi sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Hindi naitago ng mga kaanak ng SAF ang kanilang sama ng loob sa ginawang ito ng Pangulo.


Noong Miyerkules ay muling nasaktan ang ilang kaanak ng “Fallen 44” sa mga sinabi naman daw ni PNoy nang makapiling nila sa isang pagpupulong sa Camp Crame. Kabilang dito ang nagluluksang ina at tiyuhin ng isang SAF commando na nakita sa isang kumalat na video na binaril nang malapitan ng isang lalaki.


Ang ikinasama raw ng loob ng ina ay ang sinabi umano ng Pangulo na siya at ang mga pamilya ng SAF commandos ay pantay na dahil ang kanyang ama, ang yumaong Senator Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. ay pinatay rin.


Ang pahayag naman daw ni PNoy na, “Siyempre, iyong nararamdaman ninyo ay naramdaman ko rin. Tabla-tabla na tayo,” ayon sa tiyuhin, ay “pangit pakinggan”.


Mabuti pa raw sana kung humingi na lang ng paumanhin ang Pangulo at ibinunyag ang lahat ng kanyang mga nalalaman sa SAF operation sa Mamasapano.


Ang puna naman ng isang kaanak ay may mga pagkakataon na tumatawa ang Pangulo habang tinatanong ng mga pamilya ng SAF troopers kung sino ang nag-utos at nagpakilos sa isinagawang raid.


Nagtanong pa umano ang Pangulo sa isang pamilya kung ano ang gusto nila: “Ano ang gusto niyong gawin ko? Kunin natin ang fingerprint ng mga kalaban? Aba marami ‘yun, para malaman natin kung sino ang pumatay sa mga kamag-anak ninyo.”


Hindi nila nadama ang buong pusong pakikiramay o nagsisilakbong damdamin na maaaring maramdaman ng isang pinuno sa walang awa na pagpaslang na ginawa sa tapat niyang mga opisyal. Ang pakiramdam daw ng iba ay parang nainsulto pa sila sa mga ipinakita ng Pangulo sa meeting.


Sa isang larawan na lumabas sa Facebook ay nakita rin naman natin na habang malungkot na magkakatabi sa burol ng SAF commandos ang mga opisyal ng pulis at Gabinete ni PNoy, kung saan naroon din si dating President Fidel Ramos, ay katabi niya ang Pangulo na nakangiti.


Bilang Pangulo ay maaaring ipinakikita lang ni PNoy na matatag siya at hindi kayang yanigin ng sitwasyon. May posibilidad din na magulo na ang kanyang isipan sa mga problemang kinakaharap ng kanyang administrasyon. May mga sumisisi sa kanya sa naganap habang dumarami ang panawagan na bumaba siya sa puwesto.


Pero ang pagpapakita ng pagiging insensitibo, walang pakiramdam o manhid sa paghihinagpis na dinaraanan ng mga pamilya ng 44 bayaning SAF commandos ay mabago sana, upang madama ng mga naulila na kaisa nila ang Pangulo sa trahedyang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.


***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.


.. Continue: Remate.ph (source)



PNOY WALANG PAKIRAMDAM?


No comments:

Post a Comment