SINASAYANG lamang ng Quezon City Police District (QCPD) ang suplay ng gasolina at krudo mula sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon.
Ayon sa impormante ng EKSPERTO, milyong-milyon ang inilalaan ni QC Mayor Herbert Bautista sa pagbabayad ng petrolyo upang masiguro lamang na magagamit ang mga behikulo para sa serbisyo.
Mahigit sa kalahati ng gastos ng gobyerno ni Bautista sa petrolyo gaya ng gasolina at krudo ay napupunta sa QCPD lalo na sa Mobile Patrol Unit. Sila ang may pinakamalaking pakinabang dito.
Ito ang malupit! Ayon sa isang opisyal ng QCPD, 10% lamang ng kabuuang suplay ng petrolyo ng QCPD ay mula sa PNP Headquarters habang 90% ng kanilang suplay ay mula sa lokal na pamahalaan ni Bautista.
Ganito aniya ang dahilan kaya halos mamatay daw sa inggit ang ibang mga distrito ng pulisya ‘di lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa dahil sagana sa gasolina at krudo ang mga operatiba ng QCPD.
Pero, pero… ‘nyetang iyan! Nagagamit ang suplay na ito sa pangongotong gaya ng checkpoints na isinasagawa ng QCPD. Ito naman mga mobile ay ikot nang ikot para rin mangotong ang mga tinamaan ng magaling.
Hindi ko nilalahat pero marami sa kanila. Sinasayang lamang ang gastos na ito ng gobyerno at ang masakit ay nagagamit pa para isulong ang interes ng QCPD Kotong Cops.
Kung ganyan din lang estilo riyan sa QCPD ay mabuti pang lagyan na ng tsapon este, tapon ang linya na pinagmumulan ng gasolina at krudo na ginagastusan ng gobyerno ng Quezon City.
Maglakad na lang kayo riyan o kaya ay bisikleta! Pero para sa mga tunay at tapat na QCPD operatives, pasakayin sa magagarang patrol cars ang mga iyan.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment