Thursday, February 26, 2015

KASO NI JINGGOY MASALIMUOT

NAKATANGGAP kamakailan ng matinding dagok sa kanyang legal battle si Senador Jinggoy Estrada matapos magpalabas ang 5th Division ng Sandiganbayan ng preliminary attachment at garnishment order laban sa kanyang mga pag-aari na aabot sa halagang P183-milyon.


Dahil sa nasabing utos ay hindi niya maaaring galawin o ‘di kaya ay ibenta ang kanyang mga pag-aari na kinabibilangan ng mga sasakyan, mga lupain, mga bahay, condominium units, shares of stocks at iba pa.


Ang nasabing halaga ay kumakatawan umano sa kinita ni Jinggoy bilang kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), base sa pakikipagkutsabahan niya kay pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles.


Sinabi naman ng mga abogado ni Jinggoy sa pangunguna ni Atty. Alex Abastillas na iaapela nila ang kautusan, dahil anila ay wala itong basehan sapagkat hindi naman napatunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng mga ebidensya na kumita siya at nasangkot sa nasabing pork barrel scam.


Mabuti rin sigurong isipin natin na hanggang sa ngayon ay nililitis pa lang ang plunder case ni Jinggoy at base sa takbo ng mga pangyayari ay mukhang malayo pa ang tatakbuhin nito bago mabigyan ng pinal na resolusyon at hatol.


Sa mga nakaraang pagdinig ay paulit-ulit na itinanggi ni Jinggoy ang mga paratang laban sa kanya subalit hindi inalintana ng prosekusyon ang mga katibayang inihaharap niya.


Idiniriin din ng mga abogado ni Jinggoy na hindi dapat pansinin ng korte ang mga alegasyon ng prosekusyon sapagkat anila ay pawang mga hearsay o sabi-sabi lang ang inilalatag nilang mga ebidensya.


Para sa akin naman, bagama’t abala ngayon ang buong bansa sa pagsubaybay hinggil sa kahihinatnan ng kaso ng SAF Fallen 44, mabuti ring hindi natin makalimutan ang pagsubaybay sa mga kasong tulad ng kinakaharap ni Jinggoy at ng iba pang opisyal ng pamahalaan.


Obligasyon natin bilang mga mamamayan na abangan ang mga kaganapang ito sa korte at umaasa tayo na sana ay maging patas ang mga hukom sa pagtimbang sa mga ebidensyang inihahain ng magkabilang panig sa harap nila.


Sa ganoong paraan lang kasi natin masasabi na anomang hatol ang igawad ng hukuman ay naaayon ito sa tamang pangangatwiran at naihaing mga ebidensya at sa huli ay tunay ngang maisisilbi ang katarungan ng walang pag-aalinlangan. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO


.. Continue: Remate.ph (source)



KASO NI JINGGOY MASALIMUOT


No comments:

Post a Comment