Thursday, February 26, 2015

DOTA BILL NI GATCHALIAN

NAPAPANAHON ang paghahain ni Valenzuela City 1st District Congressman Win Gatchalian sa mababang kapulungan ng Kongreso ng House Bill 4740 na naglalayong malimitahan ang mga kabataan na makapasok at makapaglaro sa mga computer shop.


Sa pamamagitan ng HB 4740, pagbabawalan ang mga computer shop owner na magpapasok ng mga menor-de-edad simula 7:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga tuwing Sabado, Linggo at Holidays.


Tatawagin ding “Internet Café Regulation Act” ang HB 4740 kung saan ay pagbabawalan din ang mga computer shop owner na magpapasok ng mga estudyante sa kanilang establisimyento sa oras na may pasok sa eskwelahan.


Sa ginanap na deliberasyon ng HB 4740, nakiusap si Gatchalian sa mga magulang na manmanang mabuti ang kanilang mga anak upang maiiwas ang mga ito sa pagka-addict sa mga online game tulad ng DotA (Defense of the Ancients), Counter-Strike at iba pa.


Ang aksyon na ito ng kongresista ay dahil na rin sa mga sunod-sunod na balita na may mga kabataan na nag-aaway dahil lamang sa paglalaro ng DotA na kadalasang nauuwi sa krimen na kinasasangkutan ng mga ito.


Matatandaan na noong Enero 5 ng kasalukuyang taon nang aprubahan ng Konseho ng Bgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite ang Resolution 008-S-2015 na nagba-ban sa paglalaro ng DotA sa buong barangay matapos na magsaksakan ang dalawang teenager nang hindi magkaunawaan sa larong ito.


Noong isang taon din, sinaksak din ng isang 16-anyos ang kanyang kalaro sa DotA na 11-taong gulang lamang. Maging ang isang binatilyong kinagalitan ng kanyang lola dahil sa online games ay sinaktan ng 17-anyos sa Quezon City.


Ayon pa kay Gatchalian, ang pagiging addict ng mga kabataan sa computer games ay dahil hindi ito nasusubaybayan ng kanilang mga magulang. Natututo rin ang mga menor-de-edad na ito na makipagpustahan sa pamamagitan ng larong DotA.


Sa atin pang obserbasyon, kapag nagkapustahan na ang mga kabataang ito at natalo ang isa, kadalasan na nagkakaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa mauwi sa away at kung minsan ay nauuwi sa mabigat na krimen.


Alam naman nating lahat na sa pamamagitan ng computer at internet ay madali tayong nakakukuha ng impormasyon na ating hinahanap ngunit kung hindi babantayan ng kanilang mga magulang ang kanilang mga anak ay posible itong mauwi sa pagiging addict sa paglalaro ng online games at pagbubukas ng mga website na hindi angkop sa menor-de-edad.


Sa pamamagitan ng HB 4740, magkakaroon na ng limitasyon ang mga kabataan sa kanilang paglalaro ng anomang online game at sa tingin natin ay mababawasan na rin ang krimen na kanilang kasasangkutan dahil lamang sa larong DotA. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO


.. Continue: Remate.ph (source)



DOTA BILL NI GATCHALIAN


No comments:

Post a Comment