Friday, February 27, 2015

CHANGE THE SYSTEM, PAGBABAGO?

MARAMI ang organisasyon, mga luma at bago, ang nananawagan nang lubusan na pagbabago ng pamamahala, pamumuhay at pamamalakad sa ating lipunan. Sabi nga, madali sa salita, napakahirap sa gawa.


Mula sa kamay ng mga Kastila hanggang sa kamay ng mga Filipino, bulok talaga ang sistema ng pamamahala. Mapang-alipin, mapagsamantala, tiwali at korap ang buong sistema. Paano ninyo babaguhin?


Iyan ang pangako ng EDSA 1, 2 at ‘yung mga nagsusulong ng kasunod na rebolusyon ng pagbabago. Sa naunang dalawa, mayroon naman pero sa huli ay mga politiko pa rin ang naghari at malalinta na sinipsip ang yaman ng bansa – hanggang ngayon!


O sige, bagong sistema, bagong tipo ng pamamahala, may posturang makabayan ang mga naupo sa kapangyarihan. Ilan ang mga punto na nais natin malaman sa mga nagtutulak ng change the system, pagbabago.


Mawawala na ba ang buhay iskwater at ‘yung kanilang mga tirahan ay magiging disenteng tahanan? May oportunidad ba na magkatrabaho kahit ang mga kulang sa pinag-aralan? Makakakain na ba sila nang sapat?


Mapapalawak ba ang mga lansangan, kalsada at kalye para maluwag at mabilis ang galaw at biyahe lalo na yaong mga mahahalagang kalakal patungo ng merkado? Makakakain na ba ng sariwa ang mga tao?


Malilinis na ba ang mga daluyan ng tubig tulad sa Ilog Pasig at mga kauri para magamit bilang transportasyon pantubig? Mawawala na ba ang tambak ng basura dala ng mga walang disiplinang tao?


Magkakaroon ba ng tamang pamamahala sa perokaril at hindi tulad ngayon na talo pa ang mga sardinas sa lata? Kung gugustuhin, kaya naman gawin ang perokaril mula dulong Ilocos at Cagayan patungo ng Bicol. Gayundin sa Visayas at Mindanao.


Kaya bang wasakin ang matatag na institusyon ng katiwalian at korapsyon kung sakali ng bagong sistema? Kaya bang ayusin ang ugali ng mga motorist, pampubliko man o pribado sa estilong bara-bara na pagmamaneho na dahilan ng etot-etot na trapiko?


Kaya bang itaas sa tamang deskripsyon ang suweldo kapwa sa mga manggagawa ng gobyerno at pribado? Maibababa pa ba ang singil sa kuryente, tubig, langis at serbisyo publiko?


Handang magbayad ng mataas na presyo ang sinoman pero dapat ay mataas din ang uri ng serbisyo. Magagawa ba ito ng mga nagsusulong ng “change the system, pagbabago?”


Kung hindi kaya ng mga “bagong lider”, pwede namang ibigay sa pribado ang malalaking proyekto na kailangan ng bansa at taumbayan tulad ng perokaril, ro-ro, expressways at iba pa. Pero dapat ay kontrolado sila ng “bagong gobyerno” sa oras ng paniningil sa kanilang serbisyo.


Change the system o pagbabago? Sino-sino kayo? BALETODO/ED VERZOLA


.. Continue: Remate.ph (source)



CHANGE THE SYSTEM, PAGBABAGO?


No comments:

Post a Comment