PATAY ang isang 33-anyos na roomboy nang barilin sa ulo ng isang 23-anyos na ex-convict makaraang mapagbintangan umano ang biktima na nambatok sa isang apat na taong gulang na lalaki kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Facifico Montesa II, may asawa, stay-in roomboy sa Harrison Lodge sa 2365 F.B. Harrison St. nang nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Rodel dela Cruz, alyas “Pingoy,” 23, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang, naninirahan sa harap ng Meralco – Pasay City Branch Bgy. 13 F.B. ng nasabing lugar, na agad tumakas matapos ang krimen.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Joel Landicho ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, alas-6:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Harrison Lodge sa kahabaan ng F.B. Harrison nang nasabing lungsod.
Nauna rito, nakikipag-inuman umano ang suspek sa kanyang tatlong hindi pa nakikilalang mga kaibigan nang isa sa kanila ay nagsumbong sa suspek na binatukan umano ng biktima ang kanyang 4-anyos na anak hanggang sa umiyak umano ito at dumiretso pauwi sa kanilang bahay.
Bigla umanong nagbago ang timpla ng mukha ng suspek dahil sa sumbong ng kanyang kainuman kaya’t umuwi ito at kinuha ang kanyang baril.
Pinuntahan ng suspek ang biktima sa pinapasukan nitong motel kung saan kasalukuyang umiinum ito ng kape at walang sabi-sabing binaril ito sa ulo at mabilis na tumakas.
Agad na binawian ng buhay ang biktima habang nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ng pulisya laban sa tumakas na suspek.
Nabatid sa ilang kakilala ng biktima na posibleng nagkamali lamang ng sumbong sa suspek dahil kilalang mabait at walang kaaway ang nasabing roomboy at lagi lamang nasa loob ng kanyang pinagtratrabauhan motel. JAY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment