SUMIRIT na sa 16 ang bilang ng mga sundalong nasugatan sa panibagong sagupaan sa pagitan ng Abu Sayyaf group (ASG) sa Bgy. Tanum, Patikul sa Sulu.
Sa ulat ng Joint Task Group (JTG) Sulu, naka-engkwentro ng tropa ng 2nd Scout Ranger Battalion at 16th Special Forces Company ang nasa humigit-kumulang 300 ASG members na nasa ilalim ni ASG Commander Hajan Sawadjaan.
Ang naturang sagupaan ay umabot umano nang hanggang tatlong oras na nagresulta rin sa pagkamatay ng dalawang kasapi ng Army Scout Rangers.
Sa pinakabagong ulat ng JTG-Sulu, umakyat na rin sa lima ang namatay mula sa mga Abu Sayyaf habang nasa 14 din sa mga bandido ang sugatan base na rin sa nakuhang intelligence report ng militar.
Naniniwala si Lt. Colonel Harold Cabunoc, chief public affairs office ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mas marami pang casualty sa panig ng mga bandido dahil sa patuloy na pagbibigay ng fire support ng attack helicopter sa mga tropa ng gobyerno habang tumatakas ang mga bandido.
Samantala, dinala na ang ilan sa mga sugatang sundalo sa Camp Navarro General Hospital sa loob ng Western Mindanao Command (WestMinCom) sa Zamboanga City para lapatan ng lunas. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment