KAWAWA o sadyang ginagawang tanga ng mga tauhan niya si Pangulong Benigno Aquino III (BSA3). Sa press releases ng MalacaƱang, aba, puro super duper ang sinasabi nila. Pero huwag ka, puro kaululan pala!
Segunda mano ang biniling barko na pandigma na ginastusan ng kalahating bilyon para magmukhang bago. Tinarantado rin tayo ng DOTC ng kunin nila ang kontratistang walang alam, walang puhunan, walang-wala para imantine ang MRT lines. At marami pang ahensya’t tauhan ni BSA3 na puro korapsyon ang gawa.
Kamakailan ay ilang opisyal (na maituturing) ng Department of National Defense (DND) naman ang nagwawala. Akala raw nila, totoong modernisasyon na ang magagawa sa ilalim ni Aquino pero, dugas-dugas pa rin pala.
Sa mga press at video release ng MalacaƱang, puro makabago at malalakas ang biniling armas, kanyon, at iba pa na mga gamit pandigma – raw. Pero ‘yung nangyari sa Mamasapano masaker, sabi ng taga-PNP-SAF, supot ‘yung mga granada na nabili o ibinigay sa kanilang operasyon.
Sige, imbestigasyon uli. At para sa kaalaman ng Senado at Kamara, bilisan ninyong kumilos at imbestigahan itong huling pamimili ng gamit pandigma ng National Defense. Baka sa halip na makapagligtas kontra terorismo, sa attack chopper mamatay ang mga sundalo ng bayan.
Sabi ng kausap natin, sangkot sila sa paghahanda, pagsusuri at pagpili ng DND-AFP Attack Helicopter. Tatlong supplier ang “nakapasa” raw pero isang mataas na opisyal ng DND ang nagmaniobra, kasabwat ang ilang kapwa opisyal niya.
In short, “nilaglag” ‘yong dalawang bidder sa brusko na dahilan. Entonses, niyaya ng “nanalong bidder” ang DND team para makita ang attack helicopter nila.
Zoommmm at nakarating sila sa Amerika. May welcome party pa ha. Toma, tumba, tropa ang mga opisyal. Tameme naman ang mga tauhan na naghanda ng tamang proyekto at programa para sa AFP modernization ni BSA3!
Kinabukasan, lakad na sa “hangar” na dapat ay paradahan ng mga eroplano’t helicopter. Dapat sa airport field ‘yun, ‘di ba? Pero hindi sila sa airport o hangar napunta na ikinadismaya ng mga tauhan ng DND project team.
Hayun sila sa isang warehouse o bodega at pagpasok ay may isang maporma ngunit lumang attack helicopter. Ibig-sabihin, hindi bago. At sa usapan ng mga tiwaling DND officials na boss nila at ang kontraktor, ipadadala sa lalong madaling panahon sa Pilipinas ang “modern” daw na AFP-DND attack helicopter.
Ang problema maliban sa korap na DND officials, talo na naman tayong mamamayan dahil pagdating ng DND-AFP attack helicopter ay matagal muna bago magamit dahil aayusin muna lahat ang kulang na gastos ng DND! Segunda mano na naman NOY? BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment