Thursday, January 29, 2015

INUUBO NA NAMAN SI PNOY

TOTOO na mahirap maging sinungaling. Habang nagsasalita ka, kumakati ang lalamunan. Isang marka ito na ang sinasabi mo ay pawang kasinungalingan kung hindi man nagpapalusot lamang.


Ganyan ang nangyari sa MalacaƱang kamakailan nang magsalita si Pangulong Benigno Aquino III para linawin daw ang isyu ng Mamasapano, Maguindanao massacre sa 44 na miyembro ng PNP – Special Action Force.


Saanman anggulo ang gawin natin na pagsilip, kumplikado lahat ang naganap na operasyon.


Hayun nga at nagsalita ang “ilang heneral” ng Pambansang Pulisya na si suspended PNP chief Alan Purisima ang nagmaniobra sa operasyon at may basbas ng kanyang BFF na si PNoy.


Kung magsisilbi lang ng warrant of arrest ang SAF kontra kina JI terrorists Marwan at Usman na may patong na $5 at US$1-milyon sa ulo nila, bakit kailangan na ganoon karami ang pwersa ang inutusan ni Purisma at Noynoy?


Ano ba talaga? Ulo nina Marwan at Usman o ‘yung malaking halaga ng pera? Hindi bobo ang mga Filipino, Mr. Aquino.


Ang pagsisilbi ng warrant of arrest ay taga-korte at ilang awtoridad lang. Huwag mong sabihin na mabangis ang dalawa dahil sila ay terorista. ‘Yun ang tama.


Bakit ayaw mong sagutin ang tanong sa iyo ng mamamayan?


Totoo ba na kayo ni Purisima ang nagmaniobra ng “paglusob” sa Mamasapano?


Bakit hindi ninyo kinausap ang liderato ng MILF na may “operasyon” kayo na hindi sila dapat makialam dahil sa inyong kasunduan na tigil-putukan o ceasefire sa magkabilang panig na pwersa?


Ginawa ninyong tanga sina Interior Sec. Mar Roxas at OIC PNP Chief Leonardo Espina sampu ng ilan pang opisyal ng PNP at maski AFP.


Hindi rin katwiran ang “high value targets.” Mas kailangan alam nang lahat, kasama ang MILF, ang ganyang operasyon para masiguro na walang mapapahamak.


Ngayon ang lakas pa ng loob mo na manawagan sa lahat ng tumulong sa mga biktima ng Mamasapano masaker? Bakit noong nabubuhay sila ni hindi mo naisip na marami sa mga pulis at sundalo ang walang bahay?


Halos kasya lang ang badyet nila sa pagkain. Ngayon mo lang ba naramdaman iyan, PNoy?


Kaya nga nang humarap ka sa bayan, sa iyong national broadcast, panay ang hirit ng iyong ubo.


Hindi epekto ng sobrang paninigarilyo iyan kundi ng iyong konsensya sa mga palusot at pambobola mo sa sambayanan!


May konsensya ka pa rin ba, PNoy? BALETODO/ED VERZOLA


.. Continue: Remate.ph (source)



INUUBO NA NAMAN SI PNOY


No comments:

Post a Comment