UMISKOR si point guard Kyrie Irving ng career-high 55 points para basagin ang record sa Quicken Loans Arena at pagpagin ng Cleveland Cavaliers ang Portland Trail Blazers, 99-94, kaninang umaga, sa 2014-15 National Basketball Association (NBA) regular season.
Tinoka ni Irving ang opensa ng Cleveland habang nanonood sa bench si basketball superstar LeBron James na may injury.
Tumikada si All-Star Irving ng 3-pointer para ilagay ang Cavs sa unahan, 97-94, may anim na segundo na lang sa orasan.
Inungusan ni Irving ang dating scoring record sa nasabing Arena na tinala ni Allen Iverson at nilista rin nito ang highest iskor ngayong season.
Sinahugan pa ng limang assist at apat na rebound kasama ang 10-of-10 sa free throw line ang binira ni Irving upang ilista 27-20 win-loss slate.
Nag-ambag si 7-foot-1 center Timofey Mozgov ng 12 pts. at 10 rebound para tulungan din ang Cavs na ikadena ang walong sunod na panalo.
Bumakas din sina J.R. Smith at Kevin Love ng 11 at 10 pts. ayon sa pagkakasunod.
Humataw naman si LaMarcus Aldridge ng 38 puntos, 11 boards at tig-dalawang assist at blocks subalit hindi sumapat para akayin ang Blazers sa panalo.
Samantala, hindi pa rin sigurado kung makakalaro si four-time MVP James sa susunod nilang laro kontra Sacramento Kings.
Sa ibang NBA resulta, sinilat ng New York Knicks ang Oklahoma City Thunder, 100-92, habang pinaluhod ng Philadelphia 76ers ang Detroit Pistons, 89-69. ELECH DAWA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment