Friday, January 30, 2015

SALUDO

SUGATAN ang puso nating mga Pinoy.


Lumuha ang buong bansa dahil sa nangyari sa ating mga pulis sa Maguindanao.


Nagdeklara ng National Day of Mourning ang Pangulong Noynoy Aquino upang bigyang-daan ang pagluluksa ng sambayanan.


Kahit ang mga taga-Manila, na malayo sa pinangyarihan ng krimen, maging ‘yung mga hindi naman kilala ang mga biktima ay lumuha, taimtim na nag-aalay ng dasal sa mga namatay at sumisisigaw ng hustisya.


Masakit sa mga kaanak ng mga biktima ang mga litrato sa mga pahayagan, ang kanilang mga mahal sa buhay, ang ating mga pulis, pinagpapatay sa isang engkwentro na hanggang ngayon ay walang malinaw na eksplanasyon kung paano nangyari at bakit.


Magkakaroon ng imbestigasyon, sabi ng Pangulo.


Pero ang sabi ng marami ay napahamak na raw ang kasalukuyang peace process dahil sa nangyari.


Mas marami na raw ang mag-aatras ng suporta sa Bangsamoro Basic Law, ang panukalang batas na naglalayon na magkaroon na raw ng katahimikan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga kapatid nating mga Muslim sa paraan ng self-governance.


Pero sa gitna ng mga kasalukuyang kalituhan at kawalang linaw sa mga nangyari, sa pamamagitan ng kolum natin na ito, gusto kong mag-alay ng dasal para sa mga nasawi sa Mamasapano, sa Maguindanao, at sa mga nagdadalamhati nilang pamilya.


Ang pangyayari ay nagbigay-pighati hindi lang sa kanila kundi sa buong bansa. Lahat tayo ay namatayan dito.


Hayaan ninyo akong magpugay sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan na ang tanging tungkulin ay panatilihin ang kapayapaan sa bansa.


Nais kong saluduhan ang mga pulis, ang mga militar na pinili ang karera na halos araw-araw ay ibinubuwis ang kanilang buhay sa pagseserbisyo sa ating mga Filipino.


Salamat sa inyo. Salamat sa mga sakripisyo ng inyong pamilya at sana ay patnubayan kayong lahat ng Poon Nating Maykapal.


***

Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or i-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON


.. Continue: Remate.ph (source)



SALUDO


No comments:

Post a Comment