Thursday, January 29, 2015

KAHIT KULELAT, PINAS SENTRO NG BASKETBALL

KULELAT man ang mahal kong Pinas sa basketball, lumalaban ito na kandidato sa pagiging host ng Fédération Internationale de Basketball Amateur o FIBA sa World Cup sa 2019.


Ang FIBA ‘yung sinalihan ng ating Gilas Pilipinas na pinagwagian natin ng nag-iisang panalo laban sa Senegal sa Spain nitong nakaraang taon.


Kabilang sa mga kandidato na host country, mga Bro, ang China, Turkey, Qatar at pinagsamang Germany at France.


Siyempre pa, dehado ang Pinas bilang lugar ng international basketball lalo na sa China at nasabing ibang mga bansa.


Pero pinagsisikapan ng Samahang Basketball ng Pilipinas na sungkitin ang pribilehiyong ito.


3 FIBA LEADER


Nitong Lunes dumating sa Pinas ang tatlong lider ng FIBA.


Sina Sports Director Lubo Kotleba, Director General for media and marketing Frank Leen-ders at Events Director Predrag Bogosavljev.


Iinspeksyunin nila ang 55,000 sitting capacity na Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, ang 30,000 sitting capacity na Smart Araneta Coliseum, ang Mall of Asia at ang gagawing sport center sa Cebu.


Siyempre pa, todo-asikaso sila ng ating SBP.


Todo-eroplano at helikopter ang pagbibiyahe sa tatlong bisita para hindi sila madiskaril sa katakot-takot na trapik kahit saan. At siyempre pa, todo-hotel at restawran din sa mga ito, plus pakikipagkita nila kay Pangulong Benigno Aquino III.


Sana hindi sila sermunan ni PNoy. Hehehe!


Gaya ng ginawa nito sa mga obispong Katoliko nang dumating dito si Pope Francis.


PSC NASAAN?


Wala tayong naririnig na salita mula sa Philippine Sports Commission.


Ito dapat ang isa sa mga pangunahing mag-aasikaso sa pagsali ng Pinas bilang kandidato na venue ng pandaigdigang laro sa basketball.


O nalululong ito sa mga awayan sa pondo ng gobyerno sa Philippine sports.


Gusto man o hindi ng PSC, natural na gagastos nang malaki ang ating gobyerno kung sakaling manalo tayo na kandidato.


Sinong hahawak sa pondong gobyerno para rito?


Diyan magaling ang mga hinayupak sa PSC at wala na yatang katapusan ang girian sa komisyon na ito dahil sa pera.


Anak ng tokwa, kung ako si PNoy, pagwawalisin ko na lang ang lahat na nandiyan at papalitan ko sila ng mga tapat sa salaping bayan at tapat sa Tuwid na Daan… kung meron nga ito.


Sabi nga ni Inday Miriam sa Senado, wala siyang makitang Tuwid na Daan at puno ng mga estupido ang gobyerno.


Hehehe!


‘DI LUGI ANG FIBA


Sabi ng SBP, ang hilig ng mga Pinoy sa basketball ang pangunahing ilalaban nito sa kandidatura ng Pinas bilang venue ng FIBA.


Sa ibang salita, mga Bro, hindi malulugi sa tiket na benta ang FIBA.


Kahit purdoy ang maraming Pinoy, pipilitin at pipilitin ng mga ito na makabili ng tiket makapanood lang.


Lalo’t awtomatik na kasali ang mga Pinoy sa laro bilang host ng palaro.


Eh, ano kung kulelat ang mga basketbolista natin.


Noong 1978 na tayo ang naging host, zero ang score natin. Nitong nakaraang taon, naging hapi na tayo sa isang panalo laban sa Senegal. At sa 15 taon na kasali tayo sa FIBA, iisang bronze pa lang ang ating napapanalunan. Ehe, ehe, ehek!


KAHIT SAAN


Tama naman ang SBP sa pagsasabing maaaring hindi malulugi ang FIBA sa pagpapalaro nito sa Pinas.


Aba kahit saan talaga ay may basketball. Kahit sa mga kalye, may itinatayong basketball court.


Isinasara pa nga ang mga kalye ‘pag may palaro at walang paki ang mga taga-barangay kung magkandahetot-hetot ang trapik dahil dito.


Talo pa nga ang mga simbahan, mga sabungan at mga pa-Reyna Elena ng mga Sireyna sa rami ng mga dumadalo sa palarong basketball.


Huwag lang gawing masyadong mahal ang mga tiket para kahit ordinaryong mamamayan ay makapasok sa may bayad na venue.


FAMILY CAMPING


Siyempre libo-libong dayuhan ang darating sa Pinas dahil sa palarong ito… kung saka-sakali.


Isang tanong. Magkakaroon pa rin kaya ng Family Camping ang DSWD para maitago ang mga pamilyang lansangan mula sa mata ng mga dayuhan gaya ng ginawa nito nang dumating si Papa Kiko? At papipirmahin ang mga pamilyang lansangan ng blangkong papel na may salitang “pay cash” para magiging “maayos at ligal” ang kaduda-dudang paggastos ng salaping bayan?


Isa pang tanong.


Paano maitatago na may mga pamilyang lansangan, eh, araw-araw na dumarating ang mga turistang dayuhan at sila ang nagkukwento na napakaraming taong lansangan na naglipana sa mga bangketa at lansangan, araw man o gabi.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



KAHIT KULELAT, PINAS SENTRO NG BASKETBALL


No comments:

Post a Comment