ANG inyong lingkod ay napailing sa gigil nang mabalitaan natin itong bagong kautusan kamakailan ng pamunuan ng Manila International Aiport (MIAA) na kung saan ay simula February 1 ng taong kasalukuyan, oobligahin nang magbayad ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) ng “terminal fees” sa tuwing sila’y aalis ng bansa sapagkat pag-iisahin na ang pagkolekta nito sa tuwing bibili sila ng kanilang “plane tickets.”
Giit ng MIAA, layunin ng Memorandum Circular No. 8 na matugunan ang suliranin ng “airport congestion” at “processing time” kaya napagkasunduan nilang pag-isahin na lamang ang mga bayarin sa eroplano tulad ng International Passenger Service Charge (IPSC) sa halagang P550 at ang mismong plane ticket.
Anila, ang napakaraming “payment counters” sa mga paliparan ay ang matagal ng nagpapabagal sa daloy ng mga taong dumarating at umaalis ng bansa.
Agree po tayo sa puntong inilatag ng ating mga kaibigan sa MIAA. Ang problema ng mahabang pila sa mga airport ay talaga namang kinakailangang tugunan at bigyan ng kalutasan, sa lalong madaling panahon.
Subalit, huwag naman isagawa ang pagreporma sana sa pamamagitan ng lantarang pagbabalewala at pagsasantabi sa isang batas – ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995- na nagdidiing hindi dapat pagbayarin ng anomang terminal fee at travel taxes ang ating overseas workers.
Sa ating huling pagsasaliksik, at pagtanung-tanung na rin sa mga eksperto, mas makapangyarihan pa rin ang isang batas na inaprubahan at pinagtibay ng Kongreso at Senado, at pinirmahan mismo ng pangulo ng bansa, kaysa sa isang “department memorandum” na sa tingin natin ay hindi man lang isinaalang-alang ang interes ng sektor na tinuturing kuno natin na mga “bagong bayani.”
Ang lusot ng ating airport officials, ire-refund naman daw ang naturang “terminal fees” na ibabayad ng mga OFWs. Sa katunayan, maglalagay sila ng mga “refund desks” upang matugunan ang isyu na ito.
Ito’y isang malaking kalokohan. Dagdag-abala sa mga magre-refund, dagdag-gastos sa ating pamahalaan. ‘Yan ang magiging resulta.
Santambak na proseso na nga ang pinagdaraanan ng ating OFWs bago makalarga, sandamakmak pa ang mga pinagkakagastusan ng mga ito maisaayos lang ang mga papeles na kailangan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Huwag naman. Kaya tayo ay nananawagan sa mga kinauukulan, HUWAG NAMAN SIRS. Ang awtomatikong exemption sa travel tax na lamang ang isa sa unting paraan na nakakatulong tayo sa mga OFWs, sa kabila ng limpak-limpak na remittances na kanilang naibabalik sa ating Inang Bayan.
Noon, ang mga bayani ay binabaril at pinahihirapan. Ngayon, ano na nga ba ang pagtrato ng lipunan sa kanila? PULSO NYO!/ DENNIS LEGASPI
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment