HINIMOK ni Cardinal Tagle ang lahat ng pari sa Archdiocese of Manila na isama sa kanilang misa ngayong araw, ika-30 ng Enero 2015, ang panalangin para sa kaluluwa ng 44 miyembro ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito’y pakikiisa at pagkilala ng Archdiocese of Manila sa kabayanihan ng mga pulis at tugon sa deklarasyon ng Pangulong Benigno Aquino III sa araw na ito bilang National Day of Mourning.
Hindi rin maitago ni Cardinal Tagle ang kanyang pangamba kung bakit kailangang mangyari ang hindi makataong pagpaslang sa mga kagawad ng PNP-SAF.
Ipinagtataka at ikinatatakot din ni Cardinal Tagle kung bakit kayang saktan ng tao ang kapwa tao at bakit kayang balewalain ng tao ang hangarin ng kapwa tao na kapayapaan.
“Personal ko ito, nasa harapan tayo ng misteryo ng dilim. Bakit kayang saktan ng tao ang kapwa tao, bakit kayang balewalain ang isang magandang hangarin ng kapayapaan? Kasi maganda naman ang kapayapaan, maganda naman ang magmahal pero bakit merong bahagi ng ating pagkatao na ayaw sumang-ayon d’yan? Nakakakilabot.” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radyo Veritas.
Nag-alay na rin ng panalangin ang cardinal sa mga nasawi gayundin para sa kanilang mga naulila upang maibsan nila ang kanilang pighati sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Inamin din ni Cardinal Tagle, tulad ng pahayag ng Santo Papa na dumalaw sa bansa kamakailan na hindi rin niya malaman ang tamang katagang sasabihin sa mga naulila ng mga pulis para maibsan ang sakit at pananangis na dulot ng pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment