LAHAT ng implikasyon para sa pagkandidato ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sa pampanguluhang labanan sa susunod na taon ay litaw na litaw na.
Nariyan ang kanyang pag-iikot sa iba’t ibang parte ng bansa lalo na sa bandang Visayas at Mindanao.
Sa tingin natin sa istilo ni Duterte, pagpaparamdam muna ang kanyang gustong gawin at kapag in o pasok na siya sa puso ng tao ay tsaka niya sasabihin na siya ay sasabak na sa 2016 presidential election.
Mga dalawang tao na ang nakalilipas nang simulan ni Duterte ang pagpaparamdam sa madla at iyan ay sa pamamagitan ng kanyang pag-iikot at pagtulong sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Sabagay hindi rin naman talaga matatawaran ang kakayahan ni Duterte na pamunuan ang bayan dahil kilala naman itong “man of action” na bihasa sa pagpapaunlad ng bayan bunga ng maayos na peace and order.
Kitang-kita rin sa Davao City kung gaano ito kaprogresibo at ito ang kailangan ng bansa sa ngayon at iyan ay pwedeng gampanan ni Duterte.
Malinaw rin sa kanyang mga pahayag na buo na ang kanyang “vision” para sa bansa at iyan ay sugpuin ang korapsyon sa pamamagitan ng pag-alis ng Kongreso at baguhin ang sistema ng gobyerno mula sa presidential tungo sa pederalismo.
Malalim kung mag-isip ang isang Duterte at iyan ay kanya nang pinatunayan sa kanyang siyudad na pwede nating gamitin sa buong bansa.
Bago at may bayag ang kailangan ng Pinas sa ngayon at napapanahon nga ang isang Duterte na humawak dito dahil mukhang ito lamang ang magpapatino ng estado sa lahat ng uri ng kriminal at terorista na siyang dahilan sa mabagal na pag-unlad ng bansa.
Hindi pa huli ang lahat sa pagbabago kaya’t sama-sama tayong manalangin na bigyan Niya ng gabay itong si Duterte para sa pagdedesisyon niya sa Pilipinas.
Amen. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment