Friday, January 30, 2015

BBL, huwag apurahin – obispo

NANAWAGAN ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa pamahalaan na huwag madaliin ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).


Ayon kay Catholic Bishopps’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Public Affairs at Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo, ang panawagan ay kasunod ng malagim na pangyayari sa Maguindanao na ikinasawi ng mahigit 42 miyembro ng pulisya.


Aniya pa, mahalagang mabigyan muna ng katarungan ang mga napatay na pulis na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin para arestuhin ang itinuturing na banta sa seguridad ng bansa.


Binigyang-diin pa ng obispo na mahalagang talakayin ang usapang pangkapayapaan ngunit kailangang tingnan muli ng pamahalaan ang sinseridad ng MILF para sa dalisay na layuning makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.


Nanawagan naman si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo sa publiko na ipagpatuloy ang pagiging mahinahon.


Sa harap ito ng pagluluksa ng sambayanan sa malagim na sinapit ng mahigit 40 miyembro ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao na nakasagupa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).


Mula sa Roma, umapela ang kardinal sa lahat na dapat isantabi muna ang galit at paghihiganti na magdudulot lamang ng pagkadiskaril sa usapang pangkapayapaan.


Nanawagan din ang arsobispo sa gobyerno at MILF na kapwa huwag panghinaan sa pagsusulong ng peace negotiations upang ganap nang matamo ang katahimikan at kaayusan sa Mindanao. JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



BBL, huwag apurahin – obispo


No comments:

Post a Comment