LUMOLOBO ang bilang ng mga kongresistang humihiling na pansamantalang ihinto ang deliberasyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa pagkamatay ng may 44 PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa kanyang pagtayo sa plenary, humiling si Buhay Partylist Lito Atienza sa liderato ng Kamara na suspendihin na ang lahat ng deliberasyon ng BBL matapos ang pagpaslang sa may 44 miyembro ng PNP-SAF ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Hinamon ng kongresista sina House Speaker Feliciano Belmonte, Majority Leader Boyet Gonzales at Adhoc Committee on BBL Chairman Rep. Rufus Rodriguez na isuspinde ang deliberasyon habang hindi pa tapos ang imbestigasyon sa malagim na insidente.
Naniniwala si Atienza, na isa ito sa paraan upang pahupain ang mga galit at paghihinagpis ng mga kaanak ng may 44 pulis.
Ayon sa kongresista, dapat malaman muna ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga nasawi bago ipagpatuloy ang deliberasyon sa pagdinig dahil hindi rin umano makakamit ang kapayapaan kapag walang hustisya.
“We should first get to the truth and give justice to those who lost their lives before we can even resume discussions. There can never be peace without justice. The House leadership should bow to the will of the majority of the members. I know the sentiments of my colleagues and many of them are genuinely concerned,” ani Atienza.
Giit naman ni CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna na kung hindi 100 porsyentong nakahanda ang magkabilang panig upang tumupad sa kani-kanilang commitments batay sa peace agreement ay hindi kailangang madaliin ang pagpapasa sa BBL.
“When the draft BBL becomes a law, it should bring peace in Mindanao and the whole of the Philippines. If we are not 100% sure that all the stakeholders are ready to fulfill their own commitments, we should not hurry to pass the draft BBL,” ani Tugna.
Maging si Davao Rep. Karlo Alexei Nograles ay umamin na malalagay sa alanganin ang pagpapatibay sa BBL dahil sa malagim na insidente sa Maguindanao.
Naniniwala si Nograles na ang anomang desisyon ng Ad Hoc Committee ay maaapektuhan ng desisyon ng mga kongresista sakaling may linaw na ang insidente. MELIZA MALUNTAG
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment