Friday, January 30, 2015

SUNOG AT PAGSUBOK (1)

MATAGAL ding nawala ang Bigwas dahil sa napakatinding pagsubok na dumating sa buhay ng inyong lingkod. Isang araw bago mag-Bagong Taon ay nasunog ang aming bahay na unti-unti kong ipinundar sa loob ng 20 taon.


Maliban sa mga damit at ilang kagamitan ay naging uling at abo ang aking mga pinagsikapan.


Pauwi na ako galing sa maghapong pagbibisikleta, kasama ang grupo ng Tiklop Society of the Philippines, nang magdesisyon akong tingnan ang aking cellphone. Mag-aalas-singko na ng hapon noon at nagtaka ako sapagkat napakaraming missed call ang aking anak. Agad naman akong nag-return call at dito ko nalaman na kasalukuyang nasusunog ang aming bahay.


Hindi ko alam ang aking gagawin sa mga oras na iyon. Tatawag ba ako ng taxi at isasakay ko na lang ang aking bisikleta o bibisikletahin ko na lang hanggang sa amin?


Nagpasya akong gamitin na lang ang aking bisikleta at hindi naman ako nagkamali sa aking desisyon sapagkat naipit sana ako sa traffic na dulot ng mga last minute shopping kung sumakay ako sa taxi.


Wala pa sigurong kalahating oras ay nakarating ako sa amin magmula sa bandang Sta. Cruz dahil sa pagbabaka-sakaling may mga maisalba pa ako sa aming bahay.


Agad kong naisip ang mga bala at mga baril na aking iniingatan sa isang steel vault.


Bilang isang mediaman, active sports shooter at miyembro ng Philippine Practical Shooting Association (PPSA) ay may mga lisensyado akong baril at may mga iniingatan din akong mga bala na gamit sa training.


Maaari malagay sa panganib ang mga bumberong rumesponde kapag pumutok ang mga ito.


Noong pumasok ako sa aming compound ay sinubukan akong pigilan ng mga pulis at bumbero subalit nang sabihin ko na bahay ko ang isa sa mga nasusunog at ipinaliwanag ko ang panganib na maaaring dulot ng mga nakatagong bala sa loob ay pinayagan akong makapasok sa aming compound at sa aming bahay.


Bagama’t gusto kong magwala at umiyak sa mga oras na iyon dahil sa sama ng loob ay pinigilan ko ito at pinilit kong mag-focus sa aking misyon sa mga oras na iyon at ito ay ang makuha ang vault sa loob ng kuwarto namin.


Pagpasok ko ay kasalukuyan pang kinakain ng apoy ang katabing kuwarto ng aking anak at may mga apoy rin sa loob ng aming kwarto.


Sa tulong ng isang bumbero ay napilit naming mahila at mailabas ang vault na naglalaman ng mga baril at bala.


Dahil hindi naman gaanong malaki ang apoy sa aming kuwarto ay nagpasya akong bumalik pa sa loob at pinilit kong isalba ang aming mga damit at iba pang mga kagamitan namin, kasama na ang aking camera bag na nakalagay sa cabinet.


Doon pa lang ay nagtaka na ako kung bakit wala ang aking camera na isang Nikon 3100 samantalang buo naman at ni hindi nadampian ng sunog ang kinalalagyan nitong camera bag.


Ngunit isinantabi ko ang aking pagtatakang ito dahil na rin sa aking pagnanais na makapagsalba pa ng mga natitirang gamit sa loob ng bahay.


Sa halos isang oras kong pabalik-balik sa loob hanggang sa tuluyan na ngang maapula ang apoy na hindi siguro kakasya sa isang trak ang aking mga naisalbang mga damit, sapatos, mga unan at kumot, mga libro at iba pang mga dokomento at kung ano-ano pa.


Gayunpaman, nakapanghihina pa ring isipin na ang bahay na aking pinaghirapan ay tuluyan nang nilamon ng apoy.


Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking luha sapagkat ni hinagap ay hindi ko inisip na uubusin lamang pala ng apoy ang mga bunga ng aking pagsisikap sa loob ng dalawang dekada.


****

Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon at mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN


.. Continue: Remate.ph (source)



SUNOG AT PAGSUBOK (1)


No comments:

Post a Comment