HINARAS ng ilang armadong kalalakihan ang ilang miyembro ng ABS-CBN News team sa Mamasapano, Maguindanao.
Nagtungo kahapon ang naturang news team sakay ng van sa pinangyarihan ng engkwentro ng Philippine National Police-Special Action Forces (PNP-SAF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Bgy. Tukanalipao sa pag-aakalang may retrieval operations pa roon.
Pero nang walang madatnang pulis o militar, dumiretso na agad ang news team sa sinasabing pinakapusod ng barangay.
Pagdating sa lugar, may napansin ang grupo na dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo, isa ang nakitang armado habang naka-bonnet naman ang isa sa kanila.
Binuntutan ng dalawang lalaki ang news team hanggang sa mag-U-turn ito. Habang papalabas ng Tukanalipao, nag-overtake na ang motorsiklo at hinarang sila at kinuwestyon kung ano ang ginagawa sa lugar.
Nang magpakilalang taga-ABS-CBN News, pinakawalan din ng armado ang grupo pero hindi sila hiniwalayan.
Mayroon pang nakasalubong ang news team na ilang armado pero sinenyasan na ng dalawang nakabuntot sa kanila na pwede silang padaanin.
Nakapansin pa ng isang elf truck ang news team na tangkang haharang din sa kanila kung hindi binigyan ng go signal ng dalawang lalaki.
Nakahinga na lang nang maluwag ang news team nang makalabas na ng barangay at makita ang ibang taga-ABS-CBN News kasama ang ilang pulis.
May nakuhang footage ang news team dahil may CCTV ang van.
Aminado naman si Mamasapano Mayor Benzar Ampatuan at ang pulisya na maging sila ay hindi pumapasok sa naturang lugar na napasok ng news team. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment