BASE sa balitang nakalap noong Agosto 2013, isang tailings pond ng Padcal mine sa probinsiya ng Benguet na pagmamay-ari ng Philex Mining Corp. (PMC) ang nasira at nagkalat ng basura ng minahan sa creek malapit dito.
Sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources, sa pamamagitan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang operasyon ng PMC sa Brgy. Padcal Tuba, Benguet. Si DENR Secretary Ramon Paje, Jr. ang nagpatupad sa pagsuspinde ng operasyon ng PMC.
Pinagbayad ng P1B ang PMC sa paglabag nito sa Clean Water Act at Environmental Compliance Certificate (ECC). Ayon sa report, nalugi pa ng P30M kada araw ang PMC dahil sa pagkakasuspinde ng kanilang mining operations.
Gayunpaman, hindi sinasadya ang aksidente dahil nangyari ito sanhi ng bagyo at malakas na ulan, force majeure, ika nga.
Pero walang excuse, dahil sa kabila nito, tulad nga ng napaulat, nagmulta pa rin ang PMC at sinuspinde ng DENR ang kanilang operasyon.
Samantala, sa kabilang banda, itong Lnl Archipelago Minerals, Inc. (LAMI) ay nagpatag ng isang bundok sa Brgy. Bolitoc, Sta. Cruz, Zambales at ginamit ang lupa mula sa nasabing bundok para gumawa ng sarili nilang daungan para sa operasyon ng kanilang pagmimina sa lugar.
Pero himala, walang multa mula sa DENR at hindi rin sinuspinde ang kanilang operasyon sa kabila ng protesta ng mga residente ng nasabing lugar at sa kabila ng patunay na ang ginawang pagwasak ng LAMI sa bundok ay sinadya at hindi gawa ng kalikasan.
Nalaman na ng hukuman, kung saan isinampa ang petisyon ng Writ of Kalikasan laban sa LAMI, ang ginawang paglapastangan ng mining company sa kalikasan.
Malinaw na sinabi ng hukuman nito lang nakaraang Agosto na ang ginawa ng LAMI ay magdudulot ng panganib hindi lamang sa mga residente ng Barangay Bolitoc, Sta. Cruz, Zambales kundi maging sa buong lalawigan at mga kalapit nito tulad ng Pangasinan. Matitindi ang tanong kay Sec. Paje.
Bakit? Ano ang ginagawa niya bilang kalihim ng DENR?
Suwelduhan siya ng taumbayan, kailangan niyang magpaliwanag. Tututukan natin ang kasong ito.
The post SINADYA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment