SA paglipat ni Chief Supt. Isagani Genabe, Jr., dating Manila Police District director, bilang regional director ng Cagayan de Oro, tiyak na mamamayagpag ang station at unit commanders na hindi karapat-dapat na makapuwesto.
Ito ang mga klase ng opisyal na walang ipinagmalaki kundi ang kanilang koneksyon sa Manila City Hall at mga opisyal na kanilang padrino. Batid ba ito ni Manila Mayor Joseph Estrada?
Mukhang hindi pa nakararating sa kaalaman ni Mayor Estrada na ang karamihan ng pulis na nakatalaga sa magagandang puwesto ay pawang rekomendado ng kanyang pinagkakatiwalaang opisyal.
Lalong hindi batid ng alkalde, na nais muling magliwanag ang Maynila na posibleng bumalik sa di-LIM kapag hindi niya napigilan ang pagtatalaga ng mga opisyal na dikit at bata ng kanyang nakatunggali noong halalan.
Natuwa nga ang katiwala ni Mayor Erap sa pagkawala ni Gen. Genabe, Jr., dahil mas malaya nilang maitatalaga ang mga opisyal na lumapit sa kanila upang magparekomenda kapalit ng lingguhang “parating” o “payola.”
Nagtiyaga si Genabe na hindi makinabang sa mga parating na dapat sana ay sumapit sa kamay niya upang makasunod lang sa “no take policy” ni Mayor Estrada. Maging ang tanging station commander na tao niya ay hindi rin tumanggap makasunod lang sa magandang layunin ng alkalde.
Pero hindi talaga suwerte kung kaya’t nasibak ang tao ni Genabe at ipinalit ang isang opisyal na kilalang kilala ng mga mamamahayag at kapwa niya pulis na notoryus na protektor ng mga magnanakaw, snatcher, holdaper at mandurukot. Sa madaling salita, nag-aalaga ng mga masasamang loob at kriminal.
O hayan, wala nang hadlang sa pamamayagpag ng mga tiwaling opisyal sa MPD dahil wala na si Genabe. Pero lumusot kaya ang mga HWI ng katiwala ni Mayor Erap sa papalit na district director?
Sabagay, maganda na para kay Genabe ang pagkakatalaga niya sa region 10 sapagkat promotion iyon sa kanya bukod pa sa lalawak ang kanyang nasasakupan at karanasan sa pulisya. Sanay naman siya sa lugar sapagkat matagal siyang nagsilbi sa kanyang pinatunguhan.
Belated Happy Birthday to my friend Mildred “Pinky” de Mesa who celebrated last January 27.
The post PAGTATALAGA NG TIWALI appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment