Malaki ang tsansa ng binubuong Philippine women’s at men’s volleyball team na mapasama sa pambansang delegasyon na lalahok sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni Asian Games Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na bibigyan nila ng pagkakataon ang lahat ng pambansang atleta at koponan na makuwalipika sa delegasyon sa paglahok sa mga torneo na kasing-lebel ng kada apat na taong Asian Games.
“All of our athletes will be given fair chance to be in the delegation. Even doon sa volleyball na ngayon pa lamang nagta-try-out para makabuo ng team. We will give chance to everybody that they deserve to be in the delegation. Mag-rank lang sila sa Asia sa Top 5 in any top tournament, maganda na ang chance nila,” sinabi ni Garcia.
“Hindi lang bronze medal ang criteria kundi pati iyong talagang may chance talaga na manalo like the Caluag brothers, na considered No. 1 sa Asia. Gagastusan na natin kapag talagang may chance manalo. Dapat na natin silang itulak para makapagwagi ng ginto,” giit pa ni Garcia.
Nakatuon din si Garcia sa mas malaking bilang ng kababaihan sa delegasyon dahil sa malaking tsansa na manalo sa torneo sa itinakdang pakikipagpulong sa mga NSA kung saan madedetermina ang kanilang naging performace sa nakalipas na Asian Games.
Inamin ni Garcia na aasa ito sa anim na sports sa kampanya ng Pilipinas sa Asia na gaganapin sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ito ay ang boxing, bowling, taekwondo, wushu, karatedo at golf na sunod-sunod na edisyon na nagbigay medalya ang mga ipinapadalang atleta sa mga ginanap na Asian Games.
Matatandaan na noong 2010 Guangzhou Asian Games ay nagwagi ng ginto sina Rey Saludar ng boxing, Biboy Rivera ng bowling at Dennis Orcollo ng billiards.
“Ang mga sports na ito ay consistent medalists sa mga nakaraang Asian Games. Kasama sana ang billiards pero inalis ito sa Incheon,” pahayag pa ni Garcia.
Kabuuang 36 sports ang paglalabanan sa Incheon bagamat 30 lamang ang masasalihan ng Pilipinas. Hindi ito sasali sa anim na sports na kabbadi, modern pentathlon, cricket field hockey, water polo at diving. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment