Saturday, January 4, 2014

Ikapitong sunod na panalo, tutunggain ng Gin Kings vs SanMig

Ni Marivic Awitan


Mga laro ngayon: (MOA Arena)

3 p.m. Rain or Shine vs Global Port

5:15 p.m. Barangay Ginebra vs SanMig Coffee


Palawigin pa hanggang sa ikapitong sunod na panalo, upang mas patatagin ang kanilang solong pangingibabaw, ang tatangkain ng crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang pagtitipan ng sister squad na San Mig Coffee sa tampok na laro ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PLDT MyDSL PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.



Isinara ng Kings ang nakaraang 2013 sa pamamagitan ng six-game winning run na tinampukan ng kanilang pinakahuling panalo laban sa Meralco Bolts, 83-82, noong nakaraang Disyembre 28.


Isang buzzer beater 3–pointer ang ipinukol ni Japeth Aguilar upang isalba ang Kings kontra sa Bolts sa nalalabing 11.8 segundo sa orasan.


Una rito, isa ring 3-pointer ang ibinuslo naman ng kakampi at kapwa big guy na si Jay-R Reyes upang ilapit ang Kings sa iskor na 80-82, may natitira pang 12.8 segundo sa laro.


Bagamat hindi inaasahan, naging susi sa tagumpay ng Kings ang kanilang outside shooting mula pa sa manlalaro nilang naunang inasahang lalarga sa ilalim.


“Iyon ang maganda doon kasi ‘yung kumpiyansa nila buo, kasi sugal na talaga ‘yun, pinakamaganda talaga ‘yung itinira kaysa hindi, kung nag-miss e di wala, kaso talagang swerte,” pahayag ni coach Ato Agustin bilang papuri sa kanyang big men na nagawang madepensahan nang husto ang Bolts sa gitna kaya nagging dikdikan ang laban.


Sa kabilang dako, hahabol namang makabangon ang Mixers mula sa dinanas na dalawang sunod na malaking kabiguan sa pagtatapos ng 2013 sa kamay ng Alaska Aces (75-88) at Rain or Shine Elasto Painters (77-101).


Inaasahang makatutulong sa Mixers upang mapag-isipan ang kinakaharap na problema ang nagdaang tatlong araw na New Year break.


Matapos ang ginawang pananahimik ng kanilang head coach na si Tim Cone sa kanilang nakalipas na pagkatalo sa kamay ng Elasto Painters, inaasahang gagawa na ito ng bagong taktika.


Mismong ang Gilas standout na si Marc Pingris ang umamin na nasa kanilang mga player ang problema at wala kay Cone dahil madalas na hindi nila nasusunod ang gusto nitong mangyari.


“Parang pinapakita niya (Cone) na, sige gawin ninyo ang gusto ninyo, minsan kasi, parang ‘di ninyo naman sinusunod ang gusto ko eh,” pahayag ni Pingris nang tanungin kung ano ang kahulugan niya sa ginawa ni Cone na hindi pagko-coach sa second half ng laban nila ng Rain or Shine.


“Hindi lang si coach, pati mga assistant coach, sinasabi na gawin naming kung ano ang pina-practice namin. Pero kaming mga player ang may problema. Nagka-kanya kanya kami. Parang nawala `yung gutom naming dahil siguro nakakuha kami ng championship.”


Para naman sa kanyang kakampi at league former MVP na si James Yap, kailangan ng kanilang koponan na maging consistent sa kanilang depensa sa nalalabi pang apat nilang laban upang manatiling nasa kontensiyon para sa playoff.


“Kailangan lang talagang mag-focus sa defense kasi ‘di kami consistent sa defense eh,” ani Yap.


Sa kabilang dako, hangad naman ng Elasto Painters (7-3) na idiretso sa apat na panalo ang kanilang winning run sa pakikipagtuos sa Global Port (4-6) na kabaligtaran naman nila ang naging kapalaran sa pagtatapos ng taon dahil nasadlak ito sa tatlong dikit na kabiguan.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Ikapitong sunod na panalo, tutunggain ng Gin Kings vs SanMig


No comments:

Post a Comment