NGAYON pa lang, dapat nang maging alerto, lalo na ang mga pulis trapik at traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority at mga lokal na pamahalaan, ukol sa mga disgrasya at trapik sa mga lansangan.
Naobserbahan natin na pakapal na nang pakapal ang mga sasakyang pumapasok sa Metro Manila sa araw at gabi dahil sa pagbabalik ng mga nagbakasyon sa mga lalawigan kaugnay ng Pasko.
Kung may nakikitang mga pulis trapik at traffic enforcer ang mga abusadong driver, parekoy, kahit papaano ay nagiging maingat ang mga ito.
Kung wala naman silang makita, parang daga ang mga ito na naglalaro sa lansangan habang wala ang pusa.
At kung paano nagiging mapanira ang mga daga kung wala ang mga pusa, mas masahol pa ang pagiging mapanira ng mga abusadong driver.
Sinisira nila hindi lang ang mga sasakyan at iba pang ari-arian kundi ang kanilang mga buhay, buhay ng kanilang mga pasahero at inosenteng nasa mga tabi-tabi lang sa mga lansangan.
Nagaganap lahat ng ito kung dahil sa kanilang overspeeding, overloading at hindi pagsunod sa mga batas trapiko ay madisgrasya o makadisgrasya sila.
Tatandaan na hindi lang ang mga pampasaherong sasakyan ang may mga abusadong driver.
Marami rin sa hanay ng mga pribadong sasakyan, kargo truck at iba pa.
May mga nagbabarilan pa nga, parekoy, dahil sa gitgitan sa trapiko ng mga abusadong driver.
At dito nadaramay ang iba pang nagkataon na naroroon sa lugar.
Kaugnay ng mga traffic enforcer, ano itong sumbong sa atin na may nagmamando riyan sa MMDA na kailangang makatatlong huli ang isa sa mga ito upang masabing good ang performance ng mga ito?
Pero alam ba ninyo na matapos na maka-quota ang mga hinayupak na MMDA Constables na ‘yan, doon na rin sila magtatago at hindi na magtatrabaho?
At kawawa ang mga tumutupad sa kanilang mga tungkulin na magsaayos ng trapiko na siya naman talagang pangunahing tungkulin.
Pinanonood na lamang sila ng mga pera-pera ang laban sa trabaho.
Pera-pera dahil mayroon daw silang komisyon sa mga multa ng mga driver.
Gaano ba katotoo ito, MMDA Chairman Francis Tolentino?
Lalaki at babae umano ang mga pasimuno ng sistemang quota sa MMDA at nagsimula na umanong mainis ang mga constable sa patakarang ito.
Naiinis sila dahil dito umano nagsisimula ang mabigat na trapiko sa mga lugar na kumikilos ang MMDA.
Paano nga namang hindi magkakaroon ng trapik kung pinababayaan na ng mga constable ang kanilang trabaho matapos na magkaroon ng quota ang mga ito?
Matanong ko lang: hindi ba kautusan ng inyong opisina ang sistemang quota?
The post DISGRASYA, TRAPIK AT QUOTA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment