Nina Beth D. Camia at Anna Liza Villas-Alavaren
Wala pa ring tsansa na pansamantalang makalabas sa kulungan ang sinasabing utak sa P10-bilyon pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Ito ay makaraang mabigo pa ring makapagpalabas ng desisyon ang Makati Regional Trial Court (RTC) sa bail petition ni Napoles.
Hindi pa nagdesisyon ang korte dahil hindi tinanggap ni Makati City RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda ang CCTV footage na hawak ng kampo ni Napoles para gamiting ebidensiya upang pabulaanan ang alegasyon ni Benhur Luy na ikinulong ito sa isang gusali na pag-aari ng mga Napoles.
Sinabi ni Alameda na hindi naauthenticate ang video kaya hindi agad ito maaaring gamitin bilang ebidensiya.
Sinimulan ang pagdinig sa kaso ni Napoles at tinanong ni Christopher Garvida, state prosecutor, ang isa sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Agent Rodante Berou na nagligtas kay Benhur Luy.
Isa sa mga tinutukang tanong ang proseso ng pagsaklolo ng awtoridad at kung may sapat na search warrant ang NBI nang pasukin ang gusali.
Sinabi naman ni Berou na maaaring pumasok ang mga operatiba ng NBI sa isang partikular na lugar kahit walang utos mula sa hukuman kung may personal silang nalalaman tungkol sa nangyayaring krimen sa lugar.
Sinabi ni Berou sa korte na noong una ay tumatanggi si Luy na sumama sa rescue operations ng NBI noong Marso 22 sa South Garden Unit ng Pacific Plaza Tower sa Taguig City.
Sinabi pa ni Berou na tinangka ni Reynald Lim na harangan sila nang akma silang papasok sa condominium unit.
“Ayokong sumama sa inyo. Walang masamang ginagawa si Kuya Jojo (tinutukoy si Reynald Lim),” ayon kay Berou ay sinabi sa kanya ni Luy.
Ayon kay Berou, sumama lang sa NBI si Luy nang ipaliwanag ng mga kaanak ng huli, na kasama ng mga agent, ang dahilan ng pagpunta ng mga ito sa lugar.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment