Friday, August 1, 2014

Red Lions nilapa ang Stags

WALANG awang winasiwas ng San Beda College Red Lions ang San Sebastian College Stags, 75-56, sa katatapos lang na laban para manatili sa top spot sa 90th NCAA basketball tournament na ginanap sa The Arena sa San Juan City.


Sinagpang agad ng four-time defending champion Red Lions ang Stags pagkatapos ng tip off para hindi na makaporma ang huli.


Lumapa ng 27-7 bentahe ng Red Lions sa pagtatapos ng first canto kung saan ay 15 puntos dito ay galing kay Anthony Semerad kasama ang 5-of-5 sa shooting.


Tumapos si Semerad ng 19 points habang may 14 pts. naman si Art Dela Cruz para itarak ang 6-1 win-loss slate ng San Beda.


Nakabangon agad Red Lions sa pagkakadapa laban sa College of Saint Benilde Blazers noong Lunes dahil na rin sa mala-halimaw na laro ni Nigerian center Ola Adeogun.


Kumana si Adeogun ng 12 markers, 16 rebounds at anim na block para makalimutan ng Red Lions ang masaklap na natamo sa kamay ng Blazers at tanghaling best player of the game.


Ipinagpatuloy ng SBC ang pananambak sa San Sebastian sa second quarter ng pagsusupalpalin ni Adeogun ang mga kalaban upang palobohin sa 22 puntos ang lamang sa first half, 38-16.


Bumanat muli si Semerad ng back-to-back triples sa third period bago kumana si Dela Cruz ng three-point play at isang tres para lumaki pa lalo ang tambak ng Stags sa 32 puntos, 50-18, sa third quarter.


Nakakuha naman ng kislap sa opensa ang Stags kina CJ Perez at reserve Bobby Balucanag para tapyasin ang hinahabol sa 17, 70-53, sa kaagahan ng fourth canto subalit hanggang duon na lamang ang kanilang nailapit at nasakmal na ng Red Lions ang panalo.


Tumipa si Perez ng 13 points may 10 si Bradwyn Guinto subalit hindi pa rin sumapat para iangat ang San Sebastian.


Nalasap ng Baste ang pangatlong sunod na talo kaya naman may karta silang 3-4 win-loss at bumagsak sila sa seventh place. Elech Dawa


.. Continue: Remate.ph (source)



Red Lions nilapa ang Stags


No comments:

Post a Comment