Friday, August 29, 2014

PNoy, pinasaringan si “Kabayan”

PINASARINGAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang batikang newscaster na si dating Vice-President Noli “Kabayan” de Castro dahil sa mga negatibong komentaryo nito laban sa kanya at sa administrasyong Aquino.


Sa naging talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III sa idinaos na pagpapakilala ng mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura sa isla ng Mindoro sa Bgy. Talipanan, Puerto Galera, Oriental Mindoro ay kapansin-pansin na hindi man niya pinangalanan si De Castro sa kanyang mga parunggit ay ginamit naman nito ang salitang “Kabayan”.


“Meron po diyan, ganado pang magkomento ng negatibo, gayong kasama naman sila sa mga naging pinuno ng bansa; imbes na maibsan ang pagdurusa ng nasasakupan, pinalala pa ito. At ngayon, bagaman tinutugunan na natin ang mga problemang ipinamana sa atin, hindi pa rin nagsawa sa paghirit ang itinuturing kayong “kabayan.” ‘Yung iba naman, sadyang pinapahina ang pundasyon ng ating reporma para ibalik tayo sa dating sistema kung saan pansariling interes ang inuuna,” ayon kay Pangulong Aquino.


Hinamon pa ng Chief Executive ang mga Mindoreño at bawat Pilipinong kasangga sa agenda ng reporma na maging mapagmatyag sa kung ano ang totoo, at maging mulat sa motibo ng naghahasik ng negatibismo.


“Anuman pong tayog ng nararating natin ngayon ay bunga ng pag-aambagan ng mga Pilipino. Patuloy ang paglaban natin sa katiwalian at paglikha ng pagkakataon sa ating mga kababayan. Pero hindi nga po siguro mawawala ang iilang pursigido pa ring magbahid ng duda sa ating mga reporma,” anito.


Bilang ama aniya ng bayan ay itinataguyod niya ang tama at makatwiran; tinutugunan niya ang mga lumalapag na problema upang hindi na aniya ito maipamana pa sa susunod sa kanyang Pangulo ng bansa.


“Lahat ng desisyon ko ay nakabatay sa atas ng aking mga Boss — ang taumbayan. Kaisa ang mga Mindoreño at ang sambayanan, nawa’y magpatuloy tayo sa pag-aambagan upang maging permanente ang transpormasyon sa lipunan, at lalong maging abot-kamay ang pag-asenso,” ayon sa Punong Ehekutibo.


Sa kabilang dako, umaasa ang Pangulong Aquino na sa kanyang, pagbalik sa Maynila ay aasikasuhin naman ni DPWH Sec. Babes Singson ang flood control dahil ito aniya ang nais niyang makitang mas maliwanag.


“Halimbawa nga po nito ang mga bahagi ng Mindoro East at West Coast Roads at ng Abaton-Maidlang Bridge II. Ang maganda po rito, marami pang nakapilang proyekto na tiyak maghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa atin pong mga mamamayan,” ani Pangulong Aquino.


Pinag-aaralan na rin aniya ng DPWH ang minumungkahing Abra de Ilog-Puerto Galera section ng Mindoro Island Circumferential Road na magkokonekta sa hilagang bahagi ng Occidental at Oriental Mindoro.


Ang benepisyong ibibigay aniya sa pagpapagawa ng mga kalsada ay gumiginhawa ang biyahe, bumibilis ang palitan ng produkto at serbisyo, at lumalago ang negosyo.


Maliban dito aniya ay mas madali nang mapupuntahan ang mga tourist spots sa mga karatig-lalawigan.


“Kaya’t mas nae-engganyong bumisita ang mga turista. Sa maayos na kalsada, ‘yun pong mga taga-Maynila o taga-Tarlac gaya ko, lalong mawiwiling bumisita sa magagandang beach ninyo tulad dito sa Puerto Galera o dumayo sa iba pang magagandang destinasyon gaya ng Apo Reef diyan po sa Occidental Mindoro. Ang dulo nito: Mula sa masiglang komersyo at turismo, nagbubukal ang mga pagkakataon para sa mga Mindoreño,” aniya pa rin.


Kasabay aniya ng pagpapaunlad ng mga kalsada sa Mindoro ay tuloy-tuloy ang rehabilitasyon ng mga paliparan at daungan.


Nandiyan aniya ang pagsasaayos ng Pinamalayan, San Jose, at Lubang airport, pati na rin ang malapit nang simulang pagkukumpuni ng Calapan airport. Ongoing na rin aniya ang pagpapalawak ng bagong San Jose port, ang pagpapaunlad ng Calapan at Bulalacao port, habang tapos na ang pagpapaunlad ng mga daungan sa Roxas, Bansud at Abra de Ilog.


Idagdag pa aniya sa mga ito ay nakumpleto na rin ng pamahalaan ang pagpapatibay ng flood control facilities sa Pinamalayan, Bongabong, at Calapan City upang maiwasan ang malaking pinsala ng pagbaha sa mga komunidad.


Sinabi ng Pangulong Aquino na sa kabila ng mga tagumpay na ito ay hindi pa tapos ang kanyang trabaho.


“Patuloy nating tututukan ang pagpapaunlad ng ating imprastraktura na malaki ang naitutulong sa pagsigla ng ekonomiya. Sa panukalang budget para sa 2015, ang inilaan nating pondo para sa imprastraktura sa buong bansa ay P562.35-billion. Katumbas po ito ng mahigit 21% ng ating Pambansang Budget. Gaya ng lagi, sinisiguro nating mapupunta lang ang pondo sa makabuluhang proyekto. Tinitiyak po iyan ni Secretary Babes — ang ating resident good newsmaker sa Gabinete. Sa pamumuno niya, walang puwang ang panlalamang at kuntsabahan; walang lusot ang kickback at tongpats, at walang umuubrang chop-chop na proyekto. Dahil nga po sa mga repormang isinakongkreto ni Secretary Babes sa DPWH, mahigit P27-billion na ang natipid ng ahensya sa kanilang mga proyekto mula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2014,” litaniya nito.


At gaya aniya ng kanyang panata na ang mga proyektong kayang ipatupad agad upang ibsan ang pagdurusa ng Pilipino ay kanyang ipinapatupad agad.


Wala aniya sa kanyang plano ang mapako lang sa plano ang mga proyekto, o kung matuloy man, ay dekada pa ang bibilangin bago makumpleto na sa totoo lamang aniya ay deka-dekada pa kung minsan ang ipinaghihintay ng kanyang mga boss. Kris Jose


.. Continue: Remate.ph (source)



PNoy, pinasaringan si “Kabayan”


No comments:

Post a Comment