Friday, August 29, 2014

Campus na tututok sa Robotics at Math, itinayo

ITINAYO na at nakatakdang pasinayaan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang isang paaralan na tututok sa “Robotics”, Matematika at iba pang aralin sa Siyensya sa pag-asang makadebelop ng mga internasyunal na siyentista sa hinaharap.


Nakatakdang pasinayaan ang bagong Valenzuela School of Mathematics and Science (dating Valenzuela City Science High School) sa A. Pablo Street, Malinta, Valenzuela City, sa darating na Setyembre 1, 2014 na pangungunahan ni Mayor Rex Gatchalian.


Pinondohan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang 4-palapag na paaralan na may 20 silid-aralan na aabot ng halagang P199-milyon. Naglalaman umano ito ng “cutting-edge technology” na may anim na laboratoryo sa “Physics and Robotics, Speech, Computer, Chemistry, Biology, at Mathematics”.


Sinabi ni Ahna Mejia, hepe ng Valenzuela Public Information Office, ipinagmamalaki ng paaralan ang “interactive Smart Board”, isang white board na maaaring maging isang “computer touch screen” habang “full WIFI zone” ang buong campus.


Itinuturing umano ni Mayor Gatchalian na “crown jewel” pagdating sa lokal na edukasyon ang naturang paaralan na agad na ookupahan ng nasa 700 mag-aaral buhat sa dati nilang paaralan sa Brgy. Dalandanan.


Inaasahang dadalo sa inagurasyon sina Education Secretary Armin Luistro, National Scientist at Ateneo de Manila University President Fr. Bienvenido Nebres at USAID/Philippine Mission Director Gloria Steele. Rene Manahan


.. Continue: Remate.ph (source)



Campus na tututok sa Robotics at Math, itinayo


No comments:

Post a Comment