SUMAKAY sa tren ng MRT si Sen. Grace Poe para malaman kung paano niya igigisa ang mga inutil na opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa palpak na operasyon nito.
Sumakay rin si DOTC Sec. Emilio “Jun” Abaya sa MRT pero imbes na ikatuwa ito ng madla, binatikos pa siya.
E, kasi naman, sinabi ni Abaya na matapos niyang ma-experience na sumakay sa MRT, ligtas at kumbinyente pa ring gumamit ng tren ng MRT.
Aba’y loko nga ang mamang ito.
Makaraan ang aksidente, mga diskaril na nangyari, pagbaha sa riles at mahabang pila sa mga istasyon ng MRT, anong ligtas at kombinyente ang pinagsasasabi ni Abaya?
Sa panig ni Sen. Poe, naranasan niya ang araw-araw na kalbaryo na dinaranas ng commuters ng MRT.
Nakita niya kung paanong ang matatanda, kababaihan, mga bata at may kapansanan ay dumaranas ng paghihirap sa pagsakay sa MRT, makarating lang sa paroroonan.
Natatakot ang publiko, na baka dumating ang panahon kung hindi masisibak ang mga walang silbi at inutil sa MRT management pati riyan sa DOTC ay hindi na sila makarating sa pupuntahan ‘pagkat napakadelikado nang sakyan ang mga tren nito.
Nahamong sumakay si Sen. Poe bunsod ng kaliwa’t kanang reklamo ng taumbayan dahil sa palpak na operasyon ng MRT. Naisip ko tuloy, dapat ay gayahin ng maraming senador at kongresista, pati mga opisyal ng pamahalaan ang ginawa ni Poe.
Pero hindi lamang dapat isang araw sila sasakay. Katulad sa ALS ice bucket challenge, hamunin din ni Poe ang mga kasama niyang senador na bumiyahe rin papuntang Senado sa pagsakay sa MRT, bukod pa sa bus sa jeep at tricycle.
Pati ang mga kongresista ay hamunin din niya. Hindi lang isang araw ang challenge. Araw-araw at patagalan.
Ang hindi makatatagal sa init, alikabok, amoy pawis at amoy lupang mga nakasasakay sa MRT, magdo-donate ng tatlong buwang suweldo para ibigay sa mga batang lansangan.
Pati ang mga sandamakmak na gago sa gobyerno ay hinahamon nating huwag munang sumakay sa kanilang magagarang sasakyan.
Gumamit sila ng MRT, bus at jeep para malaman nila ang hirap ng buhay ng mananakay sa Pilipinas.
O ano? Game na!
SINO SI “SYORNAK”, MPD CHIEF GEN. ASUNCION?
Sino si “Syornak” na nagpapakilalang bagman ni MPD chief, Gen. Rolando Asuncion?
Si “Syornak” daw ngayon ang namumuni sa paghamig ng payola mula sa mga sugal-bata sa Lungsod ng Maynila.
Alam n’yo po ba ito, Mayor Joseph Estrada?
Ayaw na ayaw ni Mayor Erap ang mga sugal na nakasisira sa buhay ng mga bata gaya ng videokarera pero dahil daw kay “Syornak” ay nakapapamayagpag ang mga ito.
Kung ano-ano pang sugal ang “pinapatungan” ni “Syornak”, abangan n’yo, mga suki sa ating susunod na kolum. KANTO’T SULOK/Nats Taboy
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment