ANG bawat tagumpay ay nagsisimula sa isang pangarap.
Sa Estados Unidos ay nakilala ko ang isang Pinoy na minsang nangarap at hindi natakot na sundan at abutin ang mga ito – siya si Glen Basina, isang matagumpay na real estate agent sa Amerika.
Bata pa lamang si Glen ay pangarap na niyang magkaroon ng magandang buhay. Kaya naman nang mabigyan ng pagkakataon, kahit punung-puno ng pagsubok ay nilisan niya ang Pilipinas upang magtungo sa Amerika at doon hanapin ang kanyang kapalaran.
“Ang plano ko lang mga two months but then nung nakarating ako dito ‘yun nga nag-iba ‘yung desisyon pero mabigat para sa sarili ko.” Pagbabalik-tanaw niya sa naging pasimula ng kanyang pakikipagsapalaran.
Ibinahagi rin niya sa akin kung paano siya labis na nangulila at na-culture shock sa mga unang taon ng paninirahan niya sa lugar na kung tawagin ay ‘land of milk and honey’.
“Ang pinakamahirap in the beginning is ‘yung adjustment, parang meron akong culture shock.” Salaysay pa niya.
Bukod sa adjustment ay naging pagsubok rin para sa kanya ang paghahanap ng trabaho roon sapagkat kahit na nakapagtapos siya ng kursong mechanical engineering dito sa Pilipinas ay security guard at pagkakarpintero ang naging trabaho niya roon.
Bagama’t malayong-malayo sa kursong kanyang natapos, ayon sa kanya ay hindi siya nag-atubili na pasukin ang mga trabahong iyon sapagkat naniniwala siyang hindi siya magtatagal sa ganoong sitwasyon at makahahanap rin siya ng mas magandang trabaho.
Makalipas ang ilang taon ng pagtitiyaga, isang real estate agent ang kanyang nakilala, at inalok siya nito na pasukin at subukan ang mundo ng real estate – isang hamon na agad niyang tinanggap.
Hindi nagtagal ay naging isa siyang lisensyadong real estate agent na naging daan upang patuloy siyang magtagumpay sa larangang ito hanggang sa maitayo niya sa tulong ng isang kaibigan ang Realtor Relogic, Inc., kung saan siya ang tumatayong manager. Isa itong kumpanya na nagbebenta ng lupa at properties sa buong Amerika.
Sa tagumpay na tinatamasa ni Glen Basina, akin siyang tinanong kung ano ang maipapayo niya mga kababayan nating patuloy na nangangarap at nagsusumikap upang magtagumpay – at eto ang sagot niya:
“Success doesn’t come easy and its always uncomfortable, kaya kung meron kayong gustong marating sa buhay n’yo, just keep on going because one of these days mangyayari din ‘yun, hindi madaling mag-umpisa pero ‘pag nalampasan mo naman ‘yun maraming magandang bagay na mangyayayari.” Pagtatapos na pahayag niya.
***
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT. PASAPORTE/JR Langit
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment