NAGDIRIWANG ang ating bansa, lalo na ang mundo ng Filipino sports.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasungkit tayo ng ginto sa Youth Olympics Games, na ginanap sa Nanjing sa China.
Dala-dala ang bandila ng Pilipinas, buong giting na naipanalo ng batang Filipino Archer na si Gabriel Moreno ang kanyang laro sa Nanjing, sa tulong ng kanyang kapares na isang Chinese national sa mixed team event sa sports na Archery.
Hindi matatawaran ang kakayahan nating mga pinoy sa larangan ng Archery.
Maging ang aking anak ay interesado sa sports na ito at sumailalim din sa seryosong trainings.
Noon pa man ay mataas na ang pag-asa ko sa mga sport tulad ng Archery, Billiards at Beach Volleyballs para sa mga Pinoy.
Dahil tulad ng boxing, dito sa mga larangan na ito tayo maaaring maka-compete sa international stage.
At dito sa mga sport na ito malaki ang pag-asa natin na makahakot ng mga medalyang ginto.
Isa pa ang chess.
Hindi nga ba at kailan lang ay bumandera sa mga pahayagan ang dalawang batang Filipino chess players, isang 14-year old at isang 8-year old, na nagpapakita ng kakaibang galing sa sports na chess, pero ang nakalulungkot lang ay pinili nilang mag-training sa Amerika dahil sa paniniwalang mas makakukuha sila ng suporta roon imbes na rito sa sariling bayan.
Noon pa man ay iginigiit ko na, na mas dapat tutukan ng ating pamahalaan ang mga sport kung saan tayo mas may pag-asang makakuha ng ginto.
Napakalaking inspirasyon ang dinala ng batang si Gabe Moreno.
Dahil sa kanyang performance sa Nanjing ay mas tumaas ang pag-asa ng ating mga Archer na makapasok sa mga kumpetisyon sa international stage.
Kailangan lang talaga ng suporta, mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
At ang nakukuhang atensyon ni Gabe Moreno ngayon dahil sa kanyang medalyang ginto, na unang-una para sa Pilipinas, ay perfect na promotion sa sports na ito.
Congratulations, Gabriel Moreno. Salamat sa iyong ipinakitang giting.
Sana ay una lang ito at marami pang ginto ang dumating. SIBOL/Atty. Ariel Enrile-Inton
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment