SA pagkadakip kay retired Major General Jovito Palparan, muli na namang lumutang ang salitang “Berdugo” kakaakibat ng pangalan at reputasyon niya bilang isang kawal. Isang negatibong palayaw na sumasagisag ng pagiging mamamatay-tao.
Pumapatay diumano ng mga kasapi o kapanalig ng makakaliwang grupo. At bilang kasapi ng Armed Forces of the Philippines, si Palparan ay itinuturing na makakanang grupo sa isang labanang insurhensiya (insurgent war).
Sa insurgency war, ang layunin ng insurgent group ay mapatalsik ang pamahalaan at mapalitan ang pamunuan nito at tanganan ang pagpapalakad ng bansa sa pamamagitan ng pag-aaklas gamit ang dahas at sandata. At dahil ang insurgency ay isang uri ng rebelyon, ito ay isang krimen laban sa pangmadlang kaayusan.
Kailangang ipagtanggol ng estado ang kanyang sarili. At sa ilalim ng umiiral na Saligang Batas, ang AFP ng tagapag-tanggol ng mga mamamayang Filipino at ng Estado (Art. II, Sec. 3). At sa kampanya ng estado laban sa insurhensiya, ang naglalaban ay ang AFP bilang armadong grupo ng estado at ang New People’s Army bilang armadong grupo ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front. At layunin ng armadong grupo ng bawat panig ang gapiin ang bawa’t isa. Kung kailangang lipulin ang kalaban upang ito’y magapi, kanila itong gagawin.
Tila pinagtitiyap ng pagkakataon, ang pagkadakip sa “Berdugo” ng mga rebeldeng grupo ay nataon sa panahong ginugunita ang International Humanitarian Law o Law of Armed Conflict. Pangunahing layunin ng batas na ito ang kilalanin at igalang ang karapatan at kapakanan ng combatants at non-combatants saanmang digmaan, saanmang bahagi ng daigdig. Kanya-kanyang batuhan ng akusasyon ang magkabilang panig sa paglabag ng karapatang pantao.
Ang tanong, sino nga ba ang tunay na Berdugo? Sino ba talaga ang kalaban ng lipunan? Ang mga kawal ba ng AFP o ang mga NPA?
Marami ang mga naging diumano’y pag-abuso ng mga militar sa karapatang pantao.
Ang iba’y dokumentado at nasampahan ng karampatang kaso at naparusahan.
Subalit tila marami rin ang mga isyung ibinabato sa NPA. Mga paglabag sa Law of Armed Conflict o International Humanitrian Law (IHL). Bagaman ligal na maging target sa labanan ang mga sundalo, mahigpit na ipinagbabawal sa Comprehensive Agreement on Human Rights at IHL ang paggamit ng landmines.
Hindi na mabilang ang mga pagkakataong gumamit ng landmine ang mga NPA.
Ipinagbabawal din ang paggamit ng mga uniporme ng kalaban upang makapanlinlang. Ginagamit ng mga NPA ang mga uniporme ng sundalo o pulis upang magamit nila sa paglapit o pagpasok sa loob ng mga kampo nang hindi nanganganib at malaya nilang naisasagawa na magapi at mapatay ang mga sundalo at pulis.
May mga korporasyon—plantasyon, pabrika, kompanya ng bus, transportasyon at komunikasyon at iba pa—ang napipilitang magbayad ng “revolutionary taxes” upang hindi na maabala ang kanilang negosyo. Ang hindi nagbabayad ay sinasabotahe ang operasyon ng negosyo. Napakarami nang napaulat sa mga balita na nasunog na plantasyon, pabrika, bus, cell site, at iba pa. Extortion daw o pangingikil ng tawag doon, sabi ng mga naapektuhan.
Ang pinakahuli ay naganap noong Agosto 24, 2014 sa Butuan. Dalawang plantasyon ng saging ang sinunog ng mga NPA. Resulta, maraming ordinaryong obrero ang nawawalan ng hanapbuhay na pantawid pangangailangan ng kani-kanilang nagdarahop na pamilya.
Maraming kaso na itinuturing na masaker ang naitala sa kasaysayan. Ang mga napatay na sibilyan ay pawang napaghinalaang pumapanig sa mga kawal ng pamahalaan o nagsisilbing asset ng militar. Gayundin ang nagaganap sa mga rebel returnee. Kamatayan din ang hatol ng NPA sa mga “kaaway ng mga mamamayan” na isinasailalim sa “Hukumang Bayan.” Walang malinaw na proseso ng pagdinig, ng batas ng ebidensya, ng pagpapatunay ng mga testigo. Malinaw na mga paglabag sa proseso ng hustisya at karapatang pantao.
Pinagdududahan tuloy ang sinseridad at kakayahan ng Komisyon ng Karapatang Pantao. Sa mga nasabing mga paglabag, walang kinakasuhan ang Komisyon. O kahit pagbatikos o pagkondena man lamang, wala. Subalit nagmamadali at walang habas sa pagbatikos sa mga sundalo sa hinalang paglabag sa human rights.
Hindi rin maiwasang maitanong ng ating mga kababayan, para kanino ba talaga ang karapatang pantao? Hindi ba entitled dito ang mga sundalo? Ang mga mamamayang biktima ng masaker? Sino ba talaga ang kalaban ng mga mamamayan? Sino nga ba ang totoong “Berdugo?”
***
(Email edarevalo90@yahoo.com o i-tweet sa atty_edarevalo sa inyong reaksyon) PUNTONG MARINO/Atty. Edgard Arevalo
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment