Saturday, August 30, 2014

PINOY NAKIKIPAGPATAYAN NA

NAUUWI na, parekoy, sa pakikipagpatayan ang kalagayan ng Philippine contingent sa United Nations peacekeeping force sa Golan Heights, Syria.


Umabot na kasi sa Golan Heights ang agawan ng teritoryo ng Al Nustra na kaalyado ng Al Qaida ni Osama Bin Laden at ng Islamic State of Iraq and Syria bagama’t pareho ang mga ito na lumalaban sa pamahalaang Syria…at Israel na rin.


Bahagi ng Syria ang Golan Heights ngunit inagaw at sinakop ito ng Israel upang hindi magamit ng una na lunsaran ng pag-atake nito sa huli. Sinakop naman ng UN ang lugar sa layuning hindi magamit ng Israel at Syria sa sarili nilang digmaan.


May kabuuang 342 na sundalong Pinoy sa lugar na ito at ang puwesto ng nasa 71 sundalo ang nasa gitna ng labanan habang sinusulat natin ito makaraang salakayin din ng Al Nustra ang malapit na posisyon ng Fiji contingent at disarmahan at ikulong ang mga ito.


Isinunod ng Al Nustra ang mga Pinoy subalit hindi bumigay ang mga ito at lalong hindi nagsuko ng mga armas ang mga ito gaya ng gustong mangyari ng Al Nustra kaya inatake na ang mga ito kahapon.


Ngayon nga, parekoy, ay nilinaw na mismo ng ating pamahalaan na hindi dapat bumigay ang mga Pinoy at, sa halip, dapat silang manindigan kahit itaya pa nila ang kanilang buhay.


Nakatakdang pauwiin ng pamahalaan ang mga sundalo sa darating Oktubre subalit paano kung masabak na ang mga ito sa giyera bago dumating ang nasabing buwan at hindi sa giyerang Israel at Syria na tunay na dahilan ng kanilang pagtungo roon?


Ngayon pa lang ay kailangan nang magpaliwanag ang pamahalaan sa bayan, lalo na sa mga pamilya ng mga sundalo, sakaling may mangyari at magbuwis nga ng buhay ang mga Pinoy roon.


Isa pang dapat na bantayan, parekoy, ang epekto ng pakikilahok ng digmaan ng mga Pinoy sa Golan Heights sa loob mismo ng Pilipinas. Hindi dapat maliitin ang banta ng mga terorista sa loob ng bansa lalo’t naranasan na ng Metro Manila, at nararanasan hanggang ngayon lalo na sa Mindanao at sa ating mga karagatan, ang pambobomba ng mga kapanalig dito ng mga terorista sa Golan Heights. BURDADO/Jun Briones


.. Continue: Remate.ph (source)



PINOY NAKIKIPAGPATAYAN NA


No comments:

Post a Comment