Thursday, August 28, 2014

MALING PAMUMULITIKA

AKALA ng mga kalaban sa politika ni Vice-President Jejomar Binay na masisira ng mga ito ang kredibilidad ng nasabing opisyal sa pagpuna ng mga ito sa ipinagawang gusali ng kanilang lokal na pamahalaan, pamimigay ng cake sa senior citizens at mga katulad na benepisyo na ibinibigay sa mga residente.


Maling-mali ang diskarte nila sapagkat lalo lang nilang pinakikinang at pinasisikat ang pangalang Binay. Kaya nga dapat kabahan na ang kanyang makahaharap na politikong nag-aambisyon na pumalit kay Pangulong Benigno Aquino III sa halalang 2016.


Bakit? Dahil mas ipinakikilala nila sa buong sambayanan kung gaano kahalaga sa pamilya Binay ang kanilang mamamayan. Minsan nga, nakalilimutan pa ng mga miyembro ng pamilya ng senior citizen ang kaarawan ng kanilang mahal sa buhay subalit hindi ng pamunuan ng nasabing politiko ng Makati na pilit sinisira.


Para sa kaalaman ng marami, bukod sa cake, namimigay rin sa mga senior citizen ng P500 ang pamahalaan ng Makati dalawang beses sa isang taon. Saan ka pa? Aba’y hindi nga malaking halaga ang natatanggap ng mga “wrangler” pero pasalamat pa rin sila dahil sa pwede na ring pambili ng kendi ng kanilang mga apo.


Ang masaya pa rito, nagagalit ang pamilya Binay kapag hindi kinikilala ang senior citizen IDs sa panonood ng sine sa mga lugar sa Makati kung saan libre ang mga holder ng nasabing ID. Kaya naman kapag weekends, puno ang mga sinehan ng mga matatanda, kasama ang kanilang mga mahal na apo.


Magandang ‘family value” ang binubuhay ng mga Binay sa kanilang pagbibigay ng maliit na konsuwelo subalit mahalagang pagkilala sa mga matatanda sa kanilang nasasakupan. Nagiging malapit ang kalooban ng buong pamilya sa bawat isa. Eh, sa mga bumibira kina Binay, malapit ba sila sa kanilang pamilya? Baka nga mas malapit pa sila sa kanilang “kerida.”


“Ganito kami sa Makati” ang slogan ng politikong pilit na idinadapa ng kanyang kalaban subalit kung ibalik sa kanila ang tanong “Ganyan ba kayo sa lugar ninyo?”


Mas lalong maaasar ang politikong pilit na pinabababa ang pagkilala ng mga mamamayan kay Binay kapag nabatid nilang marami ang nakikinabang sa funeral assistance na ibinibigay ng tanggapan nito. Baka pati ito ay hanapan ng butas. Lahat ng tulong na ginagawa ni Binay ay pilit na pinasasama.


Bakit naman ang kawalan ng ginagawa ni PNoy sa patuloy na pagkakalugmok ng ekonomiya ng bansa ay hindi nila pakialaman? Ang alam lang ng mga politikong ito ay maluklok sa puwesto at himurin ang puwit ng kanilang amo. PAKUROT/Lea Botones


.. Continue: Remate.ph (source)



MALING PAMUMULITIKA


No comments:

Post a Comment