TATLONG mahahalagang isyu sa kasalukuyan na may malalaking epekto sa sambayanang Filipino ang isinasaalang-alang kung naayon o hindi sa ating Saligang Batas. Una ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ikalawa ang Disbursement Acceleration Program (o DAP). At ikatlo ay ang draft ng Bangsamoro Basic Law (o BBL).
Ang isyu ng konstitusyonalidad ng DAP ang nadesisyunan na ng Supreme Court (SC). Idineklara ng SC na labag sa Saligang Batas ang ilang gawain sa DAP. Ang buod ng hatol: labag sa Konstitusyon ang ginawa ng Ehekutibo na paglilipat ng hindi nagamit na pondo sa ibang proyekto ng pamahalaan na walang basbas mula sa Lehislatura.
Ayon sa Saligang Batas, ang paglalaan ng pondo para sa mga kagawaran at pagawaing bayan ay nasa kapangyarihan ng Ehekutibo. Ang pagpapasya at pag-aapruba naman ng paglalaan ng pondo ay kapangyarihan ng Lehislatura.
Sa sandaling maipasa na ng Kongreso ang batas na General Appropriations Act, hindi na ito maaaring gamitin maliban lang sa gastusing nauna nang pinaglaanan. Maliban na lang kung ang paglilipat o paggastos ay iminungkahi at pinayagan ng Lehislatura. Ang basikong konsepto na ito ang nilabag ng pamahalaan, ayon Hukuman.
Mabuting hangarin o “good faith” naman ang dahilan ng pamahalaan sa ginawang paglilipat. Ipinantustos umano nito ang salapi sa mga mahahalagang proyektong maghahatid ng kaunlaran at magpapasigla ng ekonomiya. At natupad naman ito.
Ang EDCA naman ay isang kasunduang pinasok ng Pilipinas at Amerika na naglalayong higit na pag-ibayuhin ang pagtutulungang militar sa pagitan ng dalawang bansa. Partikular dito ang modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas; linangin ang kakayahan nitong makipaglaban kaalinsabay ang mga sundalong Amerikano; at pagpapalakas ng kakayahan nito na maipagtanggol ang bansa laban sa mga banta ng mga dayuhan. Pangunahin din sa mga layunin ng EDCA ay palakasin, sa pagtutulungan ng dalawang sandatahang lakas, ang kakayahang tumulong sa panahon ng kalamidad (Humanitarian Assistance and Disaster Response o HADR).
Subalit kinukwestyon sa SC ang konstitusyonalidad ng EDCA. Ayon sa mga anti-EDCA, isang treaty ang EDCA. At kung mapatutunayan na isa nga itong treaty, kinakailangan ang pagsang-ayon ng 2/3 ng bilang ng mga Senador gaya ng itinatadhana ng Saligang Batas. At dahil tanging ang Kalihim ng Tanggulang Bansa bilang kinatawan ni Pang. Benigno S. Aquino III ang lumagda sa kasunduan, lalabag ito sa saligang batas kung ito nga ay isang uri ng tratado. Nakahain na ang usapin sa Hukuman.
Ang ikatlo ay hinggil sa Bangsamoro Basic Law. Saligang Batas pa rin ang siyang isinasaalang-alang at hindi dapat malabag sa pagbalangkas ng mga probisyon ng BBL. Nasa MalacaƱang pa rin ang draft at pinag-aaralang mabuti sa kabila ng umiigsi ng panahon upang itoy maipasa sa Kongreso. Kailangang busisiin kahit pangmatagalang kapayapaan man ang hangarin dahil mapawawalang-bisa ito at hindi maaaring ipatupad. At maaaring magresulta sa panibago at mas masidhing labanan sa pagitan ng malaking gulo ang ihahatid niyon sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at MILF.
Mahalagang piece of legislation ang Saligang Batas o Konstitusyon. Ito ang naghahari at nasusunod. Ang alinmang batas, kasunduan, o bahagi ng mga iyon na salungat sa itinatadhana ng Konstitusyon ay walang bisa o kapangyarihan. Nagkakaiba-iba ang pananaw ng maraming abogado at mga bihasa sa batas pagdating sa isyung konstitusyonalidad. At sa bagay na iyan, tanging ang SC ang may kapangyarihang mangusap ukol dito.
Napakalaking usapin ang EDCA, DAP at BBL. Ang hangarin nilang maihatid ay kapayapaan, kaunlaran, kasaganaan, dagdag na kakayahan at pagkakaisa. Subalit kinakailangan silang dumaan sa mahigpit na pagsusuri. At tanging ang ating mga hukuman, hanggang sa SC, ang makapagsasabi kung ang isang kasunduan gaya ng EDCA; kung ang isang hakbangin ng pamahalaan gaya ng DAP; o kung ang isang batas gaya ng BBL ay naaayon sa Konstitusyon.
Sa tatlong nabanggit, ang BBL pinakakritikal. Sa isa nating pagtalakay rito, ipinakita natin ang pinagdaanan ng usapang pangkapayapaan sa Mindanao. Kung paanong natupad ang pag-upo at pag-uusap sa iisang mesa ng mga kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng MILF at humantong sa lagdaan sa kabila ng mga hamon ng MNLF at BIFF.
Hinahangad natin ang tagumpay ng usapang pangkapayapaan lakip ang ating dalangin na sana ay hindi na maulit ang kinahinatnan ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon.
Sa ngayon, nahaharap ang binabalangkas na BBL sa dalawang mabibigat na hamon: ang nauubos na oras upang maisumite at matalakay sa Kongreso ang panukalang batas na iyon, at ang pagsisiguro ng mga abogado ng MalacaƱang na hindi lalabag sa Konstitusyon ang mga probisyon nito. Subalit ayon sa ulat, umaalma na ang pamunuan ng MILF sa sinasabing “watered down version” o pinababa o mas mahinang mga probisyon ng BBL kumpara sa unang napagkasunduan. Hindi ba’t ganundin halos ang kinahinatnan ng MOA-AD?
Ang kaibahan lang ngayon ng BBL ay mas hayag ang ibang nilalaman nito at mas may ibayong pag-iingat hatid ng karanasan mula sa MOA-AD. At ang EDCA. Tila naghe-“hair splitting” o naghihimay ng hibla ng buhok ang mga tumututol sa legalidad niyon.
Ayon sa pamahalaan, ang EDCA ay mas pinalakas lamang na Visiting Forces Agreement kaya hindi na nangangailangan ng boto ng Senado. At ang ihahatid na biyaya ng EDCA sa ating bansa ay kailangang-kailangan sa mga panahong ito bunsod ng mga kaganapan sa West Philippine Sea; at sa mga kalamidad gaya ng mga bagyo na mas malalakas at mapanira.
Hangad at dalangin natin na makita ng Korte Suprema at ng mga bumabalangkas ng mga batas ang dalawang magkabilang dulo ng continuum: ang kapakanan ng bansa at ang konstitusyonalidad ng mga binabalangkas na batas na hangad din naman ay kaunlaran, kapayapaan, kaayusan, at kabutihan para sa mga mamamayang Filipino. (sa inyong reaksyon: _ HYPERLINK “mailto:edarevalo90@yahoo.com” _edarevalo90@yahoo.com_ o i-tweet sa @atty_edarevalo)
The post BATAS AT ANG KORTE SUPREMA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment