Wednesday, July 30, 2014

SONA: LANGIT AT IMPIYERNO

SA nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino, ipinagdiinan nitong umuunlad na ang mahal kong Pinas.


At isa sa mga dahilan nito ang tinirador ng Supreme Court na Disbursement Acceleration Program.


May pag-unlad din umano sa pagbibigay ng kakayahan sa mga mamamayan na mabuhay at nag-“now showing” pa ng mga pelikulang nagpapakita ng mga kabataang nakatapos ng pag-aaral at pagsasanay para sa kanilang mga sarili, pamilya, komunidad at bayan.


Tanong: nangangahulugan ba na nagaganap sa nakararaming Pinoy ang sabayang pag-unlad ng gobyerno at ng bayan?


SWS SURVEY


Sa araw na nagkukwento si PNoy ukol sa pag-unlad ng Pilipinas at nagpapalabas na rin ng napakaigsing mga pelikula ng pagbabago sa buhay ng mga nagugutom at mahihirap, nagpalabas naman ang Social Weather Station ng resulta ng survey nito sa nasabing usapin.


Sabi ng SWS, 55% ng mga pamilyang Pinoy na binubuo ng lima katao ang naghihirap at 41% ang nagsabing sila’y kapos sa pagkain.


Batay sa 100-milyong Pinoy ngayon, nasa 55-milyon ang naghihirap at nasa 41-milyon ang nagugutom.


Heto ang masakit: dumami ng 500,000 katao ang mga naghihirap at 15% naman ang naidagdag na bilang sa mga nagugutom habang lumilipas ang panahon sa ilalim ng gobyernong PNoy mula Marso hanggang Hunyo 2014.


Sa buong Pilipinas ‘yan, mga Bro, pero pinakamatindi ang paghihirap sa Visayas at Mindanao. Ang Metro Manila at Luzon ay nagsabing nabawas-bawasan ang paghihirap at gutom pero hanggang 7% lang.


IBON SURVEY


Sinasabi naman ng Ibon Foundation na nasa 67% o 67-milyong Pinoy ang naghihirap. Tumutugma umano o kaunti lang ang pagkakaiba ng resulta ng survey nito sa survey mismo ng pamahalaan sa pamamagitan ng National Statistical Coordination Board.


Sinasabi ng Ibon na may 67% ng mga mamamayan ang nagsasabing sila’y mahihirap habang sinasabi ng NSCB na may 56-milyon ang nabubuhay sa kitang P100 kada araw at 66-milyon naman ang nabubuhay sa kitang P125 kada araw.


Bagama’t taong 2013 ang datos na ito ng NSCB, wala umanong gaanong ipinagbago ito sa taong 2014. Ang totoo umano, ipinapako ng gobyerno ang pag-aaral nito sa kahirapan sa nasa 20-30 milyon o 25-milyong Pinoy lang pero lumalabas ang napakalaking bilang ng naghihirap kung hihimayin talaga ang rekord nito mismo.


Sa halip, lumalala pa nga umano ang kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan o obrero kaya.


KRISIS SA EMPLEYO


Gamitin man ang 7% na sukatan ng gobyerno sa kawalan ng trabaho o ang 10% na rekord ng Ibon, ang Pinas ang may pinakamataas na bilang ng walang trabaho sa Asya.


Kapag pinagsama umano ang 4.5M tambay o walang trabaho at 7.3M underemployed o kulang ang pinagkakakitaan, aabot ang bilang ng mga naghihirap at nagugutom na obrero sa 11.8M.


Heto ang rekord ng mga kapitbansa ng Pinas ukol sa unemployment: Brunei (1.1%), Cambodia (0.10%), Indonesia (5.7%), Malaysia (2.9%), Myanmar (4.0%), Singapore (2.0%), Thailand (0.9%), Vietnam (2.2%), South Korea (3.7%), India (3.8%) and China (4.1%).


Ito ang masakit: sa 38.7M may trabaho na Pinoy, parami nang parami ang halos puro part time sa bilang na 38.7% ng mga may trabaho.


Kabilang sa mga part timer ang kontraktuwal. ‘Yun bang === may trabaho ka ng limang buwan pero sibak ka matapos nito at hindi ka na makababalik pa sa pinanggalingan mong kompanya.


Kakambal naman nito ang mababang sahod at kawalan o kakulangan ng mga benepisyo mula sa Social Security System, Philhealth at Pag-IBIG.


Sino nga ang hindi maghihirap at magugutom diyan?


MATAAS NA PRESYO


Mariin na sinasabi ng Ibon na malaki talaga ang epekto sa kahirapan at gutom ang napakatataas na presyo o halaga ng mga produkto at serbisyo sa kasalukuyan. Maliit na nga ang kita o sahod ng nakararaming milyon-milyong mamamayan, lalo pa silang inilulublob sa kahirapan ng presyo.


Sa panahon ni PNoy, naganap ang pagtataas ng presyo ng bigas-National Food Authority mula sa P27 kada kilo sa P32 kada kilo.


Hinahaluan pa ito ng sabwatan ng pandaraya ng mga taga-NFA at rice trader o negosyante sa bigas. Bumibili ang mga rice trader ng bulto-bultong bigas mula sa NFA, papalitan ng sako ang mga ito at ipapasang komersyal ang NFA rice sa halagang P43 pataas.


Gutom at paghihirap nga ‘yan.


TUBIG AT KURYENTE


Hindi maitatatwa ang katotohanang grabe na ang pagmamahal ng kuryente at tubig.


Anak ng tokwa, kuwentahin ninyo kung ano ang inilundag ng presyo simula nang umiral ang pribatisasyon ng kuryente at tubig at malulula kayo, lalo na sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.


Sa karanasan ng marami, ang dating P700 kada buwan na tubig ay nasa P1,600-P2000 na ngayon. Ang dating P300-P500 buwan-buwan na kuryente ay nasa P2,000-P5,000 pataas na ngayon.


Ang dating P400,000 na kuryente ng pabrika buwan-buwan ay naging P3M batay sa karanasan ng lumayas sa Pinas na pabrika ng tsokolate.


Triple rin ang singil ng mga kompanya ng tubig at kuryente sa mga residential na kostumer nila.


Sa Tondo, Manila, may matandang nagsabit lang ng ilang chichirya sa kanyang bintana para siya’y kumita ng mga barya, pero, anak ng tokwa, bigla siyang siningil ng komersyal ng kuryente. May nagtinda naman ng banana cue, bigla siyang siningil ng komersyal na tubig.


Gutom at kahirapan talaga ang aabutin nating lahat.


LANGIT AT IMPIYERNO


Nais palabasin sa SONA na nasa pintuan na tayo ng kalangitan. Pero hindi kaya sa loob na ng impiyerno tayo nakapasok?


Nagtatanong lang po.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



SONA: LANGIT AT IMPIYERNO


No comments:

Post a Comment