GRABENG hirap at pasakit ang inaabot ng mga pamilyang naitatakbo ang kanilang kaanak dahil sa sakit o aksidente sa Mary Johnston Hospital sa Moriones, Tondo, Maynila.
Ito’y sa kadahilanang sobrang mahal ng singil ng “Money Johnston Hospital,” tawag ng mga nagkaroon ng masamang karanasan sa nasabing pagamutan.
Gumamit lang ng konting bulak at betadine ay naniningil na ng libo-libo ang nasabing pagamutan kaya naman problemado ang mahihirap na kliyente nito.
Pwedeng sabihin ng pamunuan ng Money Johnston na huwag itakbo sa kanilang pagamutan ang pasyente dahil “choice” naman talaga ang pagpapagamot. Pero kapag madalian o aksidente ang pangyayari ay hindi naman pwedeng piliin pa ang pagdadalahang pagamutan sapagkat ang nagdadala kadalasan ay tuliro o ngarag kaya hindi na nakapag-iisip pa.
Kapag namatay naman ay dobleng hirap ang pinagdaraanan ng pamilyang kumukuha ng bangkay. Bukod sa sobrang mahal ay pinagtatagal pa ng mga ito ang pagbabayad dahil gusto ng mga ito na umabot sa walong oras ang bangkay sa kanilang morgue upang makuha ng puneraryang may “memorandum of agreement (MOA)” sa kanila.
Maraming dahilang ibinibigay ang cashier ng Money Johnston Hospital sa pamilya. Kesyo wala pa raw sa billing statement na ibinigay nila ang professional fee ng doktor na sa mga oras na iyon ay naka-off na kaya hindi na makontak.
Por diyos por santo, kailangan talaga ng pamilyang namatayan na may krus sa dibdib para makapagpasensya sa mga tauhan ng ospital.
May isa pang mali sa patakaran ng nasabing pagamutan. Kailangan ang kumukuhang pamilya o maging punerarya ay may MASON (brotherhood) na kakilala.
Isang halimbawa rito ay ang 17-anyos na kasambahay sa Tondo na taga-Mindanao na sinasabi ng among Chinese na naglason. Kinukuha ng mga imbestigador ang bangkay at may handang magbayad ng gastos sa pagamutan subalit ayaw i-release ng pagamutan. Kailangan ang hepe ng homicide ng Manila Police District (MPD) ay Mason.
Iyon kasi ang bungad ng isang Mr. Quines, supervisor ng BCMU ng Mary Johnston. Kapag Mason daw ang hepe ay papayag ang pamunuan ng pagamutan na ma-release. At talagang may ganoong patakaran?
Nitong nakaraang Sabado, may lalaking naaksidente sa North Harbor na inoperahan umano sa nasabing pagamutan. Nang kinuha na ng asawa ang kuwenta, nagpalabas sila ng billing statement na halos umabot sa P70,000.
Namatay ang biktima. Kinukuha ang bangkay sa morgue subalit sinabi ng cashier na wala pa sa kuwenta ang PF ng mga doktor. Nang kunin ang kabuuang kuwenta, halos himatayin ang asawa at kapatid ng biktima sapagkat umabot sa kulang P350,000 ang gastos na babayaran.
Naman! At pilit pa ng ospital na umabot sa walong oras ang bangkay upang mapunta sa puneraryang naka-MOA sa kanila. Double whammy ang aabutin ng pamilya dahil ang puneraryang ibinibigay nila ang serbisyo sa pamilya ay nagpepresyo ng halos P300,000 hanggang P500,000 kaya nga ilang beses nairereklamo.
Hay naku, kanino na ngayon pwedeng lumapit ang pamilya kapag may ganitong problema? PAKUROT/Lea Botones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment