MUKHANG nag-iiba na ang ihip ng hangin sa Malakanyang? Hindi kasi inaasahan ng marami na babanggitin ni Pangulong Noynoy Aquino si VP Jojo Binay na kanyang nakasama nang sila ay tambangan noong 1887 kudeta.
Kakaiba ang nasabing pahayag ni PNoy dahil mukhang patungo na sa endorsement kay Binay ang pagpaparamdam ng Pangulo dahil malinaw pa sa sikat ng araw na talagang may pinagsamahan ang Binay at mga Aquino.
Sa madaling salita, matagal na ang relasyon ng dalawang angkan at diyan mukhang dehado si DILG Sec. Mar Roxas dahil hindi naman ganoon kalalim ang kanilang pinagsamahan.
Bukod sa matagal ang relasyon ay malinaw na dugo ang ipinuhunan ng bawat isa kina Aquino at Binay kaya hindi na tayo dapat mabigla sakaling si Binay ang bitbitin ng Pangulo sa 2016.
Maliban sa pagbibigay ni Roxas sa kanyang ambisyong maging Pangulo noong 2010 ay wala na tayong alam na malalim na pinagsamahan nila ni PNoy at dito daig siya ng mga Binay.
Matatandaan ding mayroong history ng ganitong ugali ang mga Aquino matapos iwanan o hindi iendorso ni Tita Cory si Ramon Mitra noong 1992 election at sa halip ay si Fidel Ramos ang kanyang binitbit sa pampanguluhang halalan.
Maliwanag na nangingibabaw ang pagtanaw ng utang na loob sa mga Aquino at iyon ang dahilan kung bakit nila binitbit si Ramos dahil isa ito sa mga nagtanggol sa kanila sa ilang kudetang naganap habang nasa Palasyo ang asawa ni Ninoy.
‘Yan ngayon ang dapat basahing mabuti ng mga loyalist ni Roxas dahil kung magtutulug-tulugan lang sila ay malamang magulat sila sa magiging kaganapan lalo pa’t hindi man lang nabanggit ni PNoy ang kalihim ng DILG sa kanyang SONA.
Mga kaabang-abang na pangyayari sa mga susunod na mga araw dahil kung pagbabasehan natin ang tono ng sinabi nina Binay at ni Cong. Toby Tiangco, tagapagsalita ng oposisyon, ay mababakas mo ang pagiging malamya ng mga ito sa pagpuna sa nakaraang SONA ni PNoy.
o0o
Ibang klase rin ang pag-aksyon ni Muntilupa City Mayor Jaime Fresnedi.
Kaagad nitong pinalitan ang mga punong nasira ng bagyong Glenda sa pamamagitan ng pagtatanim ng 200 banaba trees.
Kakaibang malasakit ang ipinakitang ito ni Fresnedi sa kapaligiran at diyan dapat saluduhan ang alkalde dahil, bukod sa kilala itong enviromentalist ay nakatuon din ang atensyon nito sa kalusugan o tamang nutrisyon ng kanyang nasasakupan.
Sa ngayon, prayoridad ni Fresnedi na tulungan at turuan ang kanyang mamamayan ng tamang nutrisyon dahil buo ang paniniwala ng aklade na ang taong may malusog na pag-iisip at pangangatawan ay malaki ang maitutulong sa kanyang tahanan at pamayanan. ALINGAWNGAW/Alvin Feliciano
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment