UNTI-UNTING nakauuwi sa Pilipinas ang may 13,000 OFW mula sa bansang Libya.
Pugot-ulo, rape, takot, gutom, hirap ang dala-dala ng mga OFW sa kanilang pag-uwi at nababahala sila sa kalagayan ng napakaraming OFW na naiwan sa nasabing bansa.
Umabot na ang kalagayan ng mga OFW sa kawalan ng masisilungan o matatakasan o ligtas na daanan palabas upang matakasan nila ang mabangis na labanan ng mga tribu o pampulitikang grupo.
Wala nang ligtas na lugar sa Libya at maging ang mga opisina at ahensya ng pamahalaang Libya ay hindi na ligtas.
GOV’T NASAAN?
Naghihinanakit ang maraming OFW sa kawalan ng pamahalaan ng tiyak na tulong sa mga nagnanais na tumakas sa Libya.
Huli na rin umano ang pagpapairal nito ng alert level 4 na nagmamando ng sapilitang paglilikas.
Bagama’t marami ang nagkagustong umuwi, wala naman umanong sapat na tauhan ng pamahalaan na umalalay sa kanila sa paglisan nila sa lugar.
Iilan lang umano ang mga tao ng pamahalaan ng Pilipinas na umaakay sa mga OFW patakas.
Ngayon nga ay sarado na ang mga paliparan ng mga eroplano.
Maging ang mga daang papunta sa ibang mga bansa ay sarado na at napakamapanganib dahil sa kontrolado na ang mga ito ng iba’t iba at magkakalabang tribu.
May mga tribung nagpapalusot sa mga tumatakas ngunit sinasaid ang dala ng mga ito, kabilang na ang dala nilang mga sahod o ipon o padala ng mga kapwa nilang OFW.
LAWAY LANG
Laway o hanggang salita lang ang gobyerno.
Habang nag-iisyu ito ng alert level 4, walang taong gobyerno ang lumalapit sa mga OFW para pairalin ang pakahulugan ng nasabing alerto.
Wala itong handang eroplano, sasakyan, barko at iba pang gamit na pantakas.
Dito naging walang silbi ang pagsasabi ng pamahalaan na ito ang bahala sa mga pamasahe at ibang gastusin ng mga OFW na gustong tumakas sa kaguluhan.
At kung mayroon mang magagamit na mga sasakyan, mapanganib na ang paglalakbay ng mga ito.
Kamatayan, rape at iba pa ang nag-aantay sa bawat OFW na umalis mula sa kanilang kinaroroonan.
PANGANIB WALA SA SONA
Natitiyak natin, mga Bro, na alam ng Palasyo ang nagaganap sa Libya at palatandaan ito ng pag-iisyu ng Department of Foreign Affairs ng mga alerto sa mga magugulong lugar na kinaroroonan ng mga OFW.
Pero nakapagtatakang hindi man lang ito naging laman ng State of the Nation Address para sana magising ang lahat ng mga nanunungkulan sa malungkot at nakakikilabot na kalagayan ng mga OFW.
At kumilos ang mga ito para sagipin sila.
Sa halip, ang SONA ay sumentro lang sa pagbibigay-papuri sa mga nanunungkulan kaugnay ng nagaganap sa loob lang ng bansa. At paghahamon sa mga kritiko sabay sabing walang mararating ang mga ito kundi ang pagkalumpo.
WALANG MARINIG MULA SA IBA
Gaya ng postura ng Palasyo, nagmukhang walang kamalay-malay ang maraming opisyal ng pamahalaan sa sinasapit ng mga OFW, lalo na ang mga dumalo sa SONA.
At nakasentro ang kanilang atensyon sa mga away sa pamahalaan at nungka na pinapansin ng mga ito ang mga away o kaguluhan na hinaharap ng mga OFW.
Naririyan ang nakahanda nilang pagpalakpak sa mga talumpati ng kanilang mga amo o kapwa ukol sa pulitika at kanilang mga pagkakakitaan subalit ni daliri ay wala silang maitaas para iahon ang mga OFW sa sobrang panganib.
Hindi nga naringgan ang mga ito ng kahit anomang reaksyon sa pagkakadukot, pagpugot at pag-rape sa mga OFW sa Libya na naging hudyat ng napakasama nang kalagayan ng mga OFW roon.
GULO SA GAZA STRIP
Hindi basta giyera ng mga Palestinong Hamas at Israelita ang nagaganap sa Gaza Strip, Palestine.
Lumalawak nang lumalawak at bumabangis nang bumabangis ang digmaang ito na maaaring kakalat sa ibang mga bansa na malapit sa Palestine at Israel.
Muli, libo-libong OFW ang madaramay.
Malaki ang posibilidad na lalawak ang giyera sapagkat nanawagan na ang bansang Iran sa lahat ng mga Muslim na tulungan ang Hamas sa laban nito sa Israel.
Hindi na lang armas ang ipinananawagang tulong ng Iran kundi pakikiisa sa Hamas ng mga Muslim upang labanan ang Israel.
Kung magaganap ito, manganganib ang libo-libong OFW sa Israel at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
NASAAN ANG GOBYERNO?
Muli nating tatanungin ngayon kung nasaan ang gobyerno ukol sa napipintong paglawak ng digmaan sa Gaza Strip at Israel.
Mayroon na bang paghahanda ito sa nasabing usapin? O baka naman maulit na naman ang kainutilan nito sa pagliligtas sa mga OFW sa kagipitan, rape at kamatayan sa Libya?
Sa ngayon, napaparalisa na ang Hamas subalit bumabagsik ang pakikidigma nito laban sa Israel.
Kung nagtagumpay ang Israel na durugin ang planta ng kuryente ng Hamas na simbolo ng kapangyarihan nito, pilit namang tinatangka ng Hamas na pasabugin ang plantang nukleyar ng Israel sa disyerto ng Negev.
Sa posibleng pakikilahok ng ibang mga bansa sa digmaan, tiyak na lalawak at babangis pa ang digmaan sa mga Arabong bansa.
Nasaan at ano na nga ba ang mga paghahanda na ng gobyerno rito?
Nasaan ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan, gamit at pondo para sa mga OFW rito?
Anak ng tokwa, sana sumpain ang mga opisyal na walang pakialam sa mga usaping ito.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment