ISANG email mula sa Libya ang natanggap ng Bantay OCW.
Nagtatanong ang ating OFW kung Level 3 pa nga raw ba sa Libya. Ito aniya ang ipinagtataka ng marami nating kababayan doon dahil kung kailan mas tahimik, walang putukan, saka pa nag-crisis alert level 3.
Mas magulo pa aniya noon kahit wala pang deklarasyon ang pamahalaan.
Ang katotohanan ainya, marami tayong kababayan doon ang nainis, nagalit at naawa sa mga kapwa nila OFW na na-stranded dahil hindi na nga pinayagang makabalik ng Libya bago pa lumabas ang exemption.
Usap-usapan din nila ang mga papaalis na sanang mga bagong OFW ngunit hindi na pinayagang makaalis dahil sakop na sila ng ban ng deployment kapag crisis alert level 3 na.
May ilang OFW roon ang nagsabing pinautang pa nga nila ang ilang papaalis nang OFW, kaya alam nilang hindi pa man, baon na sa utang ang mga iyon.
Mas matindi pa ang naglalabasang balita roon na kapag nasa level 3 na raw kasi ang crisis alert, may emergency fund na nakalaan anomang oras at pwedeng kunin ng kanilang embassy officials.
Balita pa raw nila, sa kada 10 plane ticket, may komisyon ang naturang opisyal ng isang ticket. Gayong ayaw nilang pangalanan, ngunit nagiging tampulan na ito ng usapan sa komunidad ng mga Filipino sa Libya.
Ayon pa sa email, karamihan sa nagpapalista pa nga upang makauwi ang mga undocumented, iligal at walang trabaho sa Libya at talagang gusto nang umuwi. Mabuti na lamang aniya at nakakita ng pagkakataon ang mga ito sa pamamagitan ng voluntary repatriation.
Ikinagalit pa ng ating mga kababayan doon na nagkaroon pa ng bagong koleksyon sa embahada ng Pilipinas dahil bawat kompanya, bawat employer na maglalabas ng letter of guarantee para sa kaligtasan ng kanilang mga manggagawang Filipino, kailangang ipa-verify at ipa-authenticate pa ito sa ating embassy at may bayad na halagang US$10.
Tanong daw ng mga employer nila, nawalan na nga sila ng mga trabahador, naatraso pa ang mga patrabaho gayong isang simpleng dokumento, may bayad pa?
Gasino lang naman ang 10 USD pero bakit sa panahon ng krisis, na ang pamahalaan na nga aniya ang nagdeklara ng level 3, lahat ng papel may bayad pa rin? Sana naman aniya ilibre na lamang iyon dahil malaking abala na nga sa kanila ang paggawa ng ganoon, ngayon bawat galaw, may bayad pa.
Ayon sa mga Pinoy roon, hindi naman sila inaabandona ng kanilang mga employer, kahit pa wala ang letter of guarantee na ipinasusumite ng pamahalaan, talagang pinangangalagaan naman sila roon. Hatid-sundo sa bahay patungong trabaho.
Ganundin sa kanilang pag-uwi. Libre ang tawag sa mga kamag-anak sa Pilipinas anomang oras nila gusto.
Nitong nakaraang Linggo, kwento ng ating kabayan, yaong mga nagtungo sa simbahan ay tinanong ng kanilang Filipinong pari kung sino ang gusto nang umuwi o bumalik ng Pilipinas. Wala raw tumaas ng kamay kahit isa! Walang gustong umuwi sa mga naroroon sa loob ng simbahan.
Gayunpaman, aminado naman silang pwedeng mabago ang sitwasyon sa Libya anomang oras. Pwedeng magkagulo. Pwedeng biglang sumiklab ang digmaan. Bukod sa nasanay na rin sila roon. Kahit papaano, matapos ang rebolusyon, naging palaging alerto na sila at handa sa pwedeng mangyari. At hindi naman aniya sila mag-aatubiling umuwi kung kinakailangan.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: http://ift.tt/SLwNKb: 0927.649.9870. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
The post BAKIT DAW NAG-ALERT LEVEL 3 SA LIBYA? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment