BATAY sa survey ng Social Weather Stations (SWS), sumipa na sa 12.1-milyong pamilyang Pinoy ang nagsasabing naghihirap sila.
Ang survey ng SWS ay isinagawa nitong Hunyo 27 hanggang 30, 55% ng respondents ang nagsabing mahirap sila. Mas mataas ito ng 2-percentage points sa 53% o tinatayang 11.5-milyong pamilya noong unang quarter ng 2014.
Lumalabas na halos 600,000 pamilya ang napasama sa mga mahirap sa loob lamang ng tatlong buwan.
Mula naman sa 39% nitong Marso, sumirit na rin sa 41% ng respondents o 9-milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila pagdating sa usapin ng pagkain o food poverty nitong Hunyo.
Nilahukan ng 1,200 respondents ang naturang survey na unang inilathala sa Business World nitong Lunes na nataon namang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa talumpati, matatandaang kasama sa mga ipinagmalaki ni PNoy ang Expanded Conditional Cash Transfer Program at ang pagbaba ng antas ng kahirapan. Johnny F. Arasga
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment