NAILIPAT na sa Camp Bagong Diwa ang binansagang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Lunes ng gabi nang dumating ang mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna para sunduin ang akusado.
Bumiyahe ang convoy alas-10:35 at nakarating sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City makalipas lamang ang nasa 30-minuto.
Natuloy ang paglipat kay Napoles matapos aprubahan ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Presiding Judge Elmo Alameda ang resolusyon ng Sandiganbayan Third Division na ilagay sa BJMP jail ang akusado.
Matatandaang ang Makati RTC ang unang nag-utos na ikulong si Napoles sa Fort Sto. Domingo kaugnay ng kaso nitong serious illegal detention. Ang Sandiganbayan naman ang may hawak sa mga kaso nitong plunder at graft.
Biyernes, Hulyo 25, nang ipag-utos ng Sandiganbayan ang paglipat kay Napoles, pero naantala ito dahil humingi pa ng paglilinaw ang Philippine National Police (PNP) sa Makati RTC kaugnay ng isyu ng kustodiya.
Sa pagdating ni Napoles sa Camp Bagong Diwa, sinabi naman ni BJMP Spokesperson Inspector Aries Villaester na isang linggo munang mananatili ang akusado sa isang isolation room, tulad ng ginawa nila sa kapwa-akusado nitong si Atty. Gigi Reyes, ang dating chief of staff ni Senador Juan Ponce-Enrile.
Sa naturang kwarto, may isang kama na gawa sa kahoy. Ang pamilya na ni Napoles ang magdadala ng kutson niya.
May nakaantabay namang nurse para kay Napoles habang binabantayan din ng isang lady guard.
Sa bagong kulungan, isinailalim na rin si Napoles sa booking procedures na kinunan siya ng mugshot at finger prints. Sa medical check-up, nagrehistro naman sa 130/90 ang kanyang blood pressure. Johnny F. Arasga
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment