Thursday, July 31, 2014

KUDETA WALANG KWENTA AT MGA MAKA-KALIWA

HINDI ko alam kung matutuwa ako o maiinis dahil sa muling pag-usbong ng mga usap-usapan tungkol sa diumano’y planong kudeta laban kay Pangulong Aquino na tila namamaalam na sa mundong ibabaw sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA).


Bagama’t isa tayo sa mga hindi sang-ayon sa ginagawang pamamalakad ni PNoy sa ating bansa, ang pagkakaroon ng panibagong kudeta ay lalo lamang magpapalugmok sa atin bilang bansa. Walang mapapala ang ating mga mamamayan sa mga ganitong kalokohan at ito ay napatunayan na natin mula EDSA 1 hanggang sa naudlot na EDSA 3.


Napatunayan na natin na ang mga kudeta at mga tinatawag na People Power ay walang naidudulot na kabutihan sa ating mga mamamayan at ang mga taong nakikinabang ay itong ating mga madudulas na politiko na wagas sa pagka-hunyango.


Nag-iiba lang din ang mga pangalan ng mga taong nangangasiwa sa ating bansa subalit iisa pa rin ang kanilang layunin at ito ay ang pagbutihin ang kanilang sariling buhay at kabuhayan at hindi ng ating mga kawawang kababayan. Different names, same style ‘ika nga.


Naiisip ko tuloy na hindi kaya ganito tayo bilang bayan ay dahil matagal na rin ang panahon mula noong maranasan natin ang tunay na sakit at pighati na dulot ng ating pagkakawatak-watak?


Hindi kaya kinakailangan na sumailalim tayo muli sa dahas na resulta ng ating kawalan ng pagkakaisa parasa bandang huli ay maisip natin na ito ang dahilan kung bakit hindi tayo umaangat bilang bansa?


Tunay na mala-kanser na ang sakit ng ating bansa dahil sa ating kawalan ng pagkakaisa. Mahilig tayo sa grupo-grupo, paksyonalismo at sistemang kanya-kanya dahil sa gumon tayo sa paniniwalang mas magaling tayo kaysa sa iba. Mahilig tayong magsabi ng kamalian ng iba subalit hindi natin makita ang sarili nating mga pagkukulang upang mapabuti ang ating bansa.


Itong mga militanteng maka-kaliwa halimbawa ay halos araw-araw na nagpoprotesta laban sa katiwalian at halos araw-araw rin ay nasa media ang kanilang mga lider para batikusin ang pamahalaan. Kapag pakinggan natin ang mga ito, tila nasa mas mabuting katayuan ang ating bansa kapag sila ang nakaupo sa poder ng kapangyarihan.


Ngunit kapag ang mga ganitong grupo ay ni hindi man lang malinis ang lugar na kanilang pinagdarausan ng kanilang mga protesta at pagsabihan ang kanilang mga tagasunod na huwag namang magtapon ng basura sa kalsada, paano tayo maniniwala na kabutihan ng bansa ang pakay nila?


Santambak na basura ang tanging naidudulot ng mga mokong na ito at nakaka-hayblad na trapik sa halip kaginhawaan sa mga mamamayan.


Kung ganyan din lang, eh, sa kanila na kanilang bandilang pula at isaksak sa kanilang mga baga dahil kung walang kwenta ang ating kasalukuyang pamahalaan ay tiyak na mas wala silang kwenta.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/Gil Bugaoisan


.. Continue: Remate.ph (source)



KUDETA WALANG KWENTA AT MGA MAKA-KALIWA


No comments:

Post a Comment