Friday, November 28, 2014

Pulisya, blangko pa sa pamamaslang sa babaeng Marine official

MASUSING iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa pagpaslang sa isang babaeng opisyal ng Philippine Marines na natagpuang patay at tadtad ng tama ng bala sa katawan sa loob ng isang sasakyan sa Taguig City sa ulat kahapon.


Sa ulat na isinumite kay S/Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, nakitang wala ng buhay ang biktimang si Philippine Marines 1st Lt. Shelina Calumay, 33, may asawa, ng Guijo St., BNS, Fort Bonifacio ng naturang lungsod, nakatalaga sa Naval Inspector General ng naturang lugar, sanhi ng mga tinamo nitong tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa katawan.


Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na siyang responsable sa pagkakapatay sa biktima.


Base sa naantalang report na nakarating sa tanggapan ng Taguig City Police, alas-6 kamakalawa ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng nakaparadang isang gray na Suzuki 4-door Sedan na may plakang FJE-197 sa harapan ng Jurado Hall, Tuburan St., BNS, Fort Bonifacio, Taguig City.


Napag-alaman naman sa pulisya na ang naturang biktima ay may tatlong buwan pa lang nakapanganak bago naganap ang karumal-dumal na pagpatay dito.


Ayon kay Police Sr. Supt. Asis, blangko pa sila sa kaso dahil nagsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon hinggil dito. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



Pulisya, blangko pa sa pamamaslang sa babaeng Marine official


No comments:

Post a Comment