NAGMISTULANG teritoryo ng Pilipinas ang Macau sa ginanap na laban ni Cong. Manny Pacquiao kontra kay Cris Algieri ng Amerika.
Lengguwaheng Pinoy lang ang maririnig mo saan mang sulok ng Venitian Hotel kung saan ginanap ang bakbakang Pacquiao at Algieri.
Personal nating natunghayan ang umalog na tuhod ng Amerikano nang matikman nito ang malulutong na suntok ni Pacquiao.
MASWERTE SI ALGIERI
Maraming pagkakataon si Pacquiao para patumbahin ang Kano, pero dahil siguro sa pagiging malapit nito sa Diyos ay mukhang nabawasan na ang bangis nito.
Usapang barbero lang… Napakasuwerte ni Algieri dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makasuntok sa isang Congressman ng Pilipinas.
Malamang na hindi na ito mauulit sa tanang buhay niya.
HARAPAN WITH ALGIERI
Nang makaharap ng ULTIMATUM si Algieri… binaliktad natin ang sitwasyon at heto ang sinabi natin…
“Pacquiao is lucky to have you as his opponent because you’re a good sport.”
Sabay tanong na… “Do you think Pacquiao has lost his killer instinct already?”
Sagot ni Algieri… “I would rather fight the old aggressive Pacquiao than the new smart fighting Pacquiao.”
Base sa bulong ni Algieri sa ULTIMATUM, mas mabilis daw talunin si Pacquiao noon kaysa ngayon dahil napakatalino raw nitong kalaban.
Talaga lang ha!
CHAMPION ANG PINOY
Kitang-kita ang galing ng Pinoy sa boksing na ipinamalas na naman ni Pacquiao pero ang tanong hanggang kelan?
Hanggang mapatumba si Mayweather?
Abangan natin ang sagot ng boksingerong bading na si Mayweather.
BASTOS SA PAL
Sa dalas nating sumakay sa Philippine Airlines ay nakalimutan na nating mayroon pa palang ibang airline company sa Pinas na mas matino ang mga tauhan, gaya ng kanilang mga stewardess.
Nobyembre 21 papunta tayo ng Hong Kong via PAL, nang palipad na ang eroplano ay pinapapatay na ang lahat ng electronic gadget, partikular na ang ‘Ipad’.
Sinadya nating ipakita sa stewardess na ginagamit pa rin natin ito para lang makita kung paano ba tayo sisitahin.
Lumapit ang isang hindi naman kagandahang stewardess at sinabing “Please turn it off, Sir.”
Kung babasahin ay napakaganda naman ng pakiusap ni Ms. Di naman kagandahan, pero kung narinig n’yo mga Ka Bro ang pagkakasambit ay baka masungalngal n’yo ang nguso dahil ang estilong ginamit ay ‘yung tinatawag na magalang pero medyo bastos.
MERON PA PALA
Nob. 24, dahil sa punuang flight pauwi sa Pinas ay napilitan tayong sumakay sa ibang airline, natsamba namang sa Cebu Pacific tayo nasakay.
Muli ay sinubukan natin ang estayl na ‘look at my Ipad’.
Lumapit ang stewardess at sinabing… “Sir, pasensya na ho, pa-take-off lang po tayo pakipatay po muna ang Ipad.” na animo’y para bang nagmamakaawang bata.
Dito ay hiya ang ating naramdaman dahil sa sinseridad at pagiging mababang-loob ng tauhan ng Cebu Pacific.
Nang makarating sa NAIA ang eroplano at kasalukuyang papalapit ito sa tubo ay bigla na lang tumayo ang isang babae patakbo sa palikuran dahil nananakit na umano ang pantog nito.
Inawat ito ng stewardess at sinabing “Mam, pasensya na po baka ho kasi maaksidente kayo, sorry po ha, tiis lang ho muna nang kaunti.”
Pagpapakita lang sa pasahero na hindi n’ya rin gustong pagbawalan ito, kundi kaligtasan lang n’ya ang pinahahalagahan.
Grabe! May mga stewardess pa palang ganito kaganda ang serbisyo.
Kay Roshane Topacio at Virnajenn Bacus, saludo ang ULTIMATUM sa inyo. Nawa’y dumami pa ang tulad n’yong bukod sa maganda na ay mabuti pang asal.
MABUHAY KAYO!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment