TINATAYANG nasa 28 kababaihan at bata ang nagiging biktima ng rape araw-araw sa bansa.
Inihayag ito ni Makati Rep. at House Deputy Majority Leader Len Abigail Binay kasabay ng kanyang pagkwestyon kay DILG Secretary Mar Roxas kung bakit hindi ito nasasawata.
Lumalabas sa datus ayon sa kongresista, mula Enero hanggang Setyembre lamang ng taong ito ay nasa 7,785 na kaso ng rape ang napaulat.
Noong nakaraang taon ay nasa 25 kaso araw-araw ang naitala o sa kabuuang 9,177 kaso ng rape sa iba’t ibang panig ng bansa.
“At this high rate of increase, we’re afraid the aggregate number of rape cases for the entire 12 months of 2014 will likely top the 10,000-mark for the first time,” ayon kay Binay.
Kinuwestyon ni Binay si Roxas bilang civilian head ng Philippine National Police (PNP) kung bakit kapos sa aksyon at resolusyon ang kalihim sa pagsugpo sa malalagim na pag-atake sa mga kababaihan kabilang ang mga bata.
Giit ni Binay, mukhang natutulog sa pansitan ang ilang miyembro ng PNP na nasa ilalim ng pamumuno ni Dir. Gen. Alan Purisima.
“We need a new get-tough policy on crime. And we need it yesterday,” ani Binay.
Mismong statistics ng PNP ang pinagmulan ng impormasyon ni Binay na nasa 7,785 na kaso ng rape ang naiuulat araw-araw batay sa blotters ng pulisya, barangay at iba pang law enforcement agencies.
Ang nakaaalarma pa ayon kay Binay ay posibleng mas mataas pa ang datus dahil may ilang biktima aniya ang mas ginustong manahimik kaysa humingi ng tulong sa awtoridad sa takot na sila’y resbakan.
Kasabay nito, isinulong ng mambabatas ang imbestigasyon sa pagpapatupad ng Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998 kasabay ng kanyang mungkahi na dagdagan ang women’s desk sa bawat istasyon ng pulis. MELIZA MALUNTAG
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment